SA ikalawang marathon game na hinarap ay muling nangibabaw ang 16-anyos na si Alberto Lim Jr. para marating ang finals ng 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open Wildcard Tournament na ginagawa sa PCA clay court sa Paco, Manila.
Tila walang kapaguran ang batang netter dahil lalong bumangis ang laro ni Lim sa ikatlong set tungo sa 7-5, 4-6, 6-1 panalo laban sa 8-time champion at second seed Johnny Arcilla.
Bitbit ang karanasan sa paglalaro sa labas ng bansa, hindi natinag ang kumpiyansa ni Lim kahit natalo sa second set at bumangon siya nang dalawang beses niyang na-break si Arcilla sa third set para manalo sa larong inabot ng dalawang oras at 20 minuto.
Ang panalo ay ginawa matapos unang kalusin si Francis Casey Alcantara sa quarterfinals noong Huwebes sa larong tumagal ng dalawang oras at 35 minuto.
“Lalo hindi biro na ka-laban si kuya Johnny na isang 8-time champion. Ginawa ko lang ay laruin ang laro ko para magkaroon ng chance na manalo.
Alam kong hindi madali pero may suwerte rin dahil gumanda ang laro ko sa third set,” wika ni Lim na tinabunan din ang straight sets pagkatalo sa 35-anyos na si Arcilla sa quarterfinals noong nakaraang taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.