Tierro, Arcilla pasok sa PCA Open quarterfinals
MASASABING hindi pinawisan ang top two seeds na sina Patrick John Tierro at Johnny Arcilla sa kanilang mga laban sa round-of-16 sa 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Event sa PCA clay court sa Paco, Maynila kahapon.
Kinailangan lamang kasi nina Tierro at Arcilla ng 55 minuto para umabante na sa quarterfinals at makakuha na rin ng upuan sa qualifying round sa 2015 Manila-ITF Men’s Futures Leg 2 sa susunod na buwan.
Kinalos ng nagdedepensang kampeon na si Tierro si Noel Damian Jr., 6-1, 6-0, habang tinapos na ni eight-time champion Arcilla ang kampanya ng 14-anyos na qualifier na si Arthur Craig Pantino, 6-2, 6-1.
Umabante rin ang ibang seeded players at tinalo ng 3rd seed na si Elbert Anasta si Diego Dalisay, 6-3, 6-2; ang 4th seed na si Alberto Lim Jr. ay nanalo kay Argil Lance Canizarez, 6-0, 6-1; si 5th seed Rolando Ruel Jr. ay nagwagi kay Alberto Villamor, 6-4, 6-1; si 7th seed Francis Casey Alcantara ay pinagpahinga si 12th seed Roel Capangpangan, 6-4, 6-3; at si 8th seed Ronard Joven ay wagi kay 10th seed Fritz Verdad, 6-2, 6-0.
Ang puwesto sa semifinals ay paglalabanan ngayon at aminado ang mga napapaboran na may pressure na silang nararamdaman.
“Mataas kasi ang expectation na kami ang mananalo rito. We’ll see. Gumaganda na rin naman ang laro ko,” wika ni Tierro na makakatapat ang nanalo kina Stefan Suarez at Marc Anthony Alcoseba.
Katunggali ni Arcilla si Joven, si Anasta ay kalaro si Ruel at sina Alcantara at Lim ang magtutuos sa isang upuan sa Final Four.
“Hitting partner ko si Joven kaya alam namin ang laro ng bawat isa. Hindi puwedeng magkumpiyansa at kung puwedeng tapusin agad ang dapat tapusin agad. Mahirap na at baka may mangyari pa,” pahayag ng 35-anyos na si Arcilla.
Kumpleto pa rin ang mga pinapaborang manlalaro sa women’s singles nang nagsipanalo uli kahapon.
Nangibabaw si top seed Clarice Patrimonio sa qualifier na si Crizzabelle Paulino, 6-0, 6-1, para makaharap si 8th seed Rafaella Villanueva na nanalo kay Kryshana Hitosis, 6-1, 6-2.
Ang 2nd seed na si Marinel Rudas ay nagwagi kay Reisha Nillasca, 6-0, 6-0, para makasukatan si 7th seed Christine Patrimonio na nanaig kay Lenelyn Milo, 6-0, 6-1; si 3rd seed Edilyn Balanga ay kuminang kay Sally Mae Siso, 6-1, 6-1, para subukin si 5th seed Sjaira Hope Rivera na pinagpahinga si Frances Angelica Santiagfo, 6-2, 6-2; habang si 6th seed Hannah Espinosa ay binokya si Miles Vitaliano, 6-0, 6-0, para makasukatan si 4th seed Maia Balce na umani ng 6-0, 6-0 tagumpay kay Krizzele Sampaton.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.