ILANG tulog na lang at simula na ng filing ng Certificate of Candidacy – hudyat na simula na ng opisyal na labanan sa pagitan ng mga magsisitakbo mula sa pampanguluhan hanggang sa konsehal.
At habang papalapit nang papalapit ang Oktubre 12, ang simula ng araw ng filing ng COC, patindi na rin nang patindi ang gimik ng bawat magkakatunggaling partido.
Kung ngayon pa lang ang mga epal na politiko ay halos hindi na magkandaugaga sa kani-kanilang mga television at radio commercial, lalo sigurong mas nakakabaliw ang gagawin nilang samu’t saring mga political gimmick para lang bumenta at mapansin ng kanilang mga sinusuyong botante.
Mga ilang buwan na ring umeere ang mga pambansang epal (read: mga kandidato pang national position) at hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang kanilang mga political advertisement. Asahan namang hindi rin magpapahuli ang mga epal sa mga lalawigan at distrito.
Simula sa mga tumatakbo sa pagka-gobernador, vice governor, congressman hanggang sa mayor at vice mayor, board member at mga konsehal, tiyak ang bawat isa ay hindi palalamang sa mga gimik para lang makilala at maiboto.
Isa sa inaasahang liligawan at posibleng alukin ng milyong piso para lang sila iendorso ay ang phenomenal split-screen love team nina AlDub (Alden Richards at Maine Mendoza) na patok na patok ngayon sa loob at labas ng bansa.
Kahapon lang, kumalat ang balita na nais ng isang presidential candidate na si Alden ang mag-portray sa kanyang pagkatao kung sakaling gawing pelikula ang kanyang buhay.
Sino ba naman ang hindi makakalimot kina Judy Ann Santos, Sarah Geronimo, Coco Martin, Ai Ai delas Alas, Vice Ganda, Richard Yap, Dingdong Dantes at Marian Rivera na pare-parehong kinuha ng mga politiko para palakasin ang kani-kanilang kandidatura noong nakaraang eleksyon?
At tiyak ngayon, hindi lang ang nabanggit na presidential bet ang liligaw sa AlDub at sa iba pang mga tanyag na love team gaya ng KathNiel at JaDine para lamang manalo sa darating na halalan.
Tiyak na mag-uunahan din ang mga epal na kunin ang sikat na rin na si Lola Nidora at maging si “Pastillas girl” na gumagawa na rin ng pangalan.
Huwag na rin tayong magtaka kung sa mga polyetos, tarpaulin, streamer at kung ano-ano pang paraphernalia ay gagamitin ng mga ito ang kasikatan ng mga artistang nabanggit.
Sabi nga, lahat ay gagawin ng mga epal para lang mapansin at makuha ang boto ng publiko.
Wala namang masama kung gumimik ang mga epal, pero dito natin makikita kung anong pagtingin meron ang mga kandidatong ito sa kanilang mga constituent.
Mababa ang pagtingin ng mga epal na ito sa mga botante dahil ang buong pag-aakala nila ay makukuha nila ang minimithing boto dahil sa mga sikat na artistang kanilang kinukuha para mapabango ang kanilang mga mababahong nimahe.
Hindi ba nila kayang iharap ang kanilang sarili sa publiko gamit ang kanilang programa at plataporma? Hindi ba nila kayang kumbinsihin ang mga botante na walang ginagamit na sikat na indibidwal?
O sadyang kailangang gumamit ng mga sikat o popular na mga artista dahil wala na talagang natitirang kredibilidad ang mga epal na ito na ang kaya lang ibigay ay mga hungkag at basurang mga pangako.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.