Yaya Dub magsasalita na sa KalyeSerye?
MARIRINIG na nga ba ng milyun-milyong dabarkads sa buong mundo ang boses ni Yaya Dub sa record-breaking na kalyeserye ng Eat Bulaga sa GMA 7?
Kahapon, bago matapos ang episode ng kalyeserye nina Alden Richards at Maine Mendoza, may narinig na boses sina Lola Nidora (Wally Bayola) at Tidora (Paolo Ballesteros) na sumigaw ng, “Lola!”
At nang puntahan nila ang pinanggalingan ng boses, dito na nila nakita si Yaya Dub na nakahandusay sa upuan at wala ng malay. Agad nilang dinala sa ospital si Yaya.
Ayon kina Lola Nidora at Tidora, talagang narinig nilang may tumawag na “Lola” sa kanila. Si Yaya Dub nga kaya iyon? Ito na nga kaya ang tamang panahon para marinig ng buong mundo ang boses ni Yaya Dub?
Kung matatandaan, biglang naputol ang first date nina Alden at Yaya Dub nang biglang tumunog ang alarm clock sa bag ni Yaya, na ang ibig sabihin – kailangan na niyang painumin ng gamot si Lola Nidora.
At kahit na gustung-gusto niyang makasama si Alden, nagdesisyon pa rin siyang umuwi para puntahan si Lola. Pero sa pagtatapos ng episode last Saturday biglang may na-rinig na tila bumanggang sasakyan na ipinag-alala naman ni Alden.
At kahapon nga, nag-alala ang mga manonood nang mag-isang dumating si Lola Nidora habang inaalala ang nangyari kay Yaya Dub. Pero matapos ang ilang minuto, nagpakita rin si Yaya Dub na may benda sa ulo, pero nagawa pa ring magsayaw.
Isinalaysay naman ni Yaya Dub kung ano ang nangyari sa kanya sa pamamagitan ng pagmumuwestra sa naganap na aksidente. Ani Yaya, pagsakay niya ng kotse ay bumangga sila sa isang tricycle.
Tumama raw ang ulo niya sa ulo ng driver. Hindi pa masyadong okay ang kundisyon ni Yaya Dub kahapon pero masaya raw siya dahil nakita niya uli si Alden, nagawa pa nga nitong makipag-Dubsmash sa binata kahit panaka-nakang sumasakit ang kanyang ulo.
Hiniling din kahapon ni Alden kay Lola Nidora kung pwedeng mag-date sila ni Yaya Dub dahil nga nabitin sila sa kanilang first date.
Pumayag naman si Lola Nidora at sinabing hindi na sa tamang panahon, kundi sa “bilang na panahon” o sa madaling panahon na maaaring mangyari ang kanilang next date.
Nagbigay din ng love message si Alden kay Maine sa pamamagitan gn fan sign, anito, “Huwag mo naman akong masyadong pag-alalahin. Get well soon. Aldub you.”
Samantala, mismong ang American singer na si Bryan White, ang original na kumanta ng AlDub theme song na “God Gave Me You” ang nagsabing inaayos na raw ang pagbisita niya sa Pilipinas para makapag-concert dito.
Na-curious kasi si Bryan sa kasikatan ng AlDub dahil nga sa pagiging top trending topic ng magka-loveteam sa Twitter at sa iba pang social media. Tanong nga ng American singer, “What is ALDUB?”
Dito na nalaman ng international singer na sikat na sikat nga ang AlDub sa Pilipinas pati na rin ang kanta niyang “God Gave Me You”.
Mula noon, palagi nang nire-retweet ng singer ang mga post mula sa fans ng AlDub gamit ang hashtags na #ALDUB at #GGMY. Follower na rin siya nina Alden at Maine sa Twitter.
In fairness, dahil din sa kasikatan ng AlDub ngayon sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay dumoble bigla ang followers ni Bryan sa Twitter, mula sa 21,800 ay umabot na sa 43.8K ang kanyang followers kahapon.
Nang tanungin ng fans kung kailan siya bibisita sa Pilipinas para mag-concert, ang sagot ni Bryan, “Yes. Working on it right now. Soon!”
May mga nag-suggest naman kay Bryan na sana’y ga-wing special guests sina Alden at Maine sa magiging concert nito sa Pilipinas at haranahin nito ang magka-loveteam nang live with his song “God Gave Me You”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.