MABILIS pa sa alas-kuwatrong kumalat kamakalawa ang balita na pabor si US President Barack Obama sa pagbasura sa polisiyang “don’t ask, don’t tell” para sa mga bakla at tomboy sa kanilang Armed Forces.
Nagbunyi ang mga bading at mga pards dahil lumiwanag na ang pag-asa nilang maging sundalo nang hindi na kailangan pang itago ang kanilang mga tunay na kasarian, na bibigyan na sila ng patas na pagtrato.
Sa Pilipinas ay matagal nang natanggal ang ban laban sa tinaguriang “ikatlong lahi” na gustong magsilbi bilang kawal, subalit gaya ng nasabing polisiya ng US ay hindi papayagang magladlad o magkilos-bading ang mga ito.
Ang ibig sabihin: bawal mag-makeup, bawal maglagay ng scarf, bawal kumendeng at bawal tumili.
Ang ibig sabihin pa: dapat umarteng brusko at maton na maton dahil makasisira ng morale ng ibang sundalo ang anumang pagtikwas ng daliri at pagsusuot ng high-heels ng mga ito “Once inside the organization, they have to live by a code of ethics and they have to observe decorum if they want to remain as members of the Armed Forces,” paliwanag pa ni military spokesperson Ernesto Torres.
Kung totoo mang may mga bading, nagme-makeup man o hindi buko, na gusto talagang maging sundalo at hindi lang basta pinuwersa ng kanilang pamilya, hindi sila dapat pagkaitan ng pamahalaan.
Isipin mo na lang, isang bading ay mas piniling magsilbi sa bayan kesa mag-parlor o mag-show biz o lifestyle writer o mag-nurse sa ibang bansa o mag-call center agent o gumawa ng kopya ng mga advertisements — mga mundo na madali nilang sakyan at pakibagayan.
Hindi ba napakadakila ng hangarin nila? Kung hindi marubdob ang kanilang hangarin na ipagtanggol ang bayan, bakit sila papayag na dumaan sa matinding training sa Philippine Military Academy at iba pang military school kung saan maraming tunay na lalake ang umaayaw sa pisikal at sikolohikal na hirap?
At kung hindi totoong ang motibo nila ay para sa bayan, bakit isusuong nila ang kanilang mga buhay sa pakikipaglaban sa mga kaaway sa mga gubat ng Mindanao at Quezon?
Hindi glamoroso ang buhay ng sundalo, alam ito ng lahat, kaya wala kaming nakikitang ibang magtutulak sa isang bading na ma-ngarap na maging isa o kundi man ay magsanay upang maging isa nang walang pumipilit kundi ang kanyang purong pagmamahal sa bayan.
Mas lalaki pa sila sa nakararami kung tutuusin. Kaya ibaba na ang inyong mga kilay dahil hindi kahiya-hiya ang mga bading na sundalo, lalo na kung pag-aaralan natin ang kasaysayan.
Sa Ancient Greece, nariyan ang Sacred Bond of Thebes na kinabibilangan ng mga magkakakasintahang bading na epektibo at matikas na bahagi ng kanilang military, at ang magkasintahang sundalo na sina Aristogeiton at Harmodius na naging dahilan kung bakit umusbong ang demokrasya roon.
Nariyan din ang mga warrior mula sa Boeotia at Sparta, na ang ilan sa mga halimbawa ay ang mga lumaban sa mga Persians na napanood natin sa pelikulang 300, at, kung totoo ang tsismis, nariyan si Alexander, ang isa sa itinuturing na pinakadakilang sundalo at lider sa kasaysayan, na naging kasintahan ang isa sa kanyang mga heneral.
BANDERA Editorial, 101409
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.