Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UST vs UP
4 p.m. La Salle vs FEU
Team Standings: UP (2-0); UST (2-0); La Salle (1-1); FEU (1-1); Ateneo (1-1); UE (1-1); NU (0-2); Adamson (0-2)
NAKABANGON ang Ateneo de Manila University sa masamang panimula nang durugin ang Adamson University, 84-60, sa pagpapatuloy ng 78th UAAP men’s basketball kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumipa si Kiefer Ravena ng 24 puntos habang sina Von Pessumal at Aaron Black ay naghatid ng 12 at 11 puntos para sa Eagles na kumawala sa ikatlong yugto para mapawi ang 64-88 pagkadurog sa kamay ng Far Eastern University.
Sina Pessumal at Black ay mabangis sa ikatlong yugto nang nagsanib sa 15 puntos, si Black ay may dalawang dikit na triples, para patingkarin ang 28-18 palitan na nagbigay sa Ateneo ng 62-48 kalamangan.
“This is a good bounce-back win for us,” wika ni Ravena na pinuri rin ang magandang laro ni Black na hindi sumablay sa tatlong binitiwang triples tungo sa 4-of-6 shooting.
Ang Falcons ay nalaglag sa 0-2 at nangungulelat ngayon kasama ang nagdedepensang kampeon National University na pinabagsak ng University of the East, 76-71, sa ikalawang laro.
Si Edison Batiller ay mayroong 23 puntos at ang kanyang magkasunod na splits ang nagbigay sa Red Warriors ng 76-71 kalamangan sa huling 6.5 segundo.
Nagdomina ang Warriors sa ikatlong yugto at hinawakan ang 60-46 kalamangan pero bumangon ang Bulldogs sa pamamagitan ng 15-2 palitan para dumikit sa 62-61.
Pumukol sina Edgar Charcos at Paul Varilla ng magkasunod na triples bago nagtala ng tatlong krusyal na errors ang nagdedepensang kampeon para lumamig ang paghahabol.
Si Charcos ay mayroong 12 puntos habang si Varilla ay may 11 at sila ay nagsanib sa 9-of-18 shooting kasama ang 3-of-4 sa 3-point field goals.
Hindi naman nagulat si UE coach Derick Pumaren sa ipinakita ng mga beterano dahil tumugon lamang sila sa kanyang pakiusap.
“I told the veterans that we needed them. That they should prove themselves,” wika ni Pumaren na nakatikim din ng panalo kapag ang laro ay sa Mall of Asia Arena ginagawa.
Sina Gelo Alolino at Nico Javelona ay may 23 at 16 puntos pero patuloy na malamya ang laro ni Alfred Aroga na kahit may 16 rebounds ay naghatid lamang ng walong puntos para sa 0-2 baraha ng NU.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.