BUKAS ay magsisimula na ang trabaho ng Philippine National Police Highway Patrol Group kung saan ang PNP-HPG na ang mangangasiwa ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.
Ang pagtatalaga ni Pangulong Aquino sa PNP-HPG ay bilang sagot naman sa wala na yatang solusyon sa problema sa trapik sa Metro Manila, partikular sa EDSA.
Inalis sa Metro Manila Development Authority ang pagmamando sa daloy ng trapiko sa EDSA matapos naman ang kabiguan ni MMDA Chairman Francis Tolentino na makapagbigay ng solusyon para maibsan man lamang ang napakabigat na trapiko sa Kalakhang Maynila.
Nakadagdag pa rito ang mga batikos kaugnay ng pangangampanya na ni Tolentino para sa darating na eleksyon kung saan inaasahang tatakbo siyang senador.
Hindi ba’t sinimulan pa ng isang grupo ang signature campaign para siya mag-resign sa puwesto?
Sa pagkakatalaga ng PNP-HPG, hindi naman maiiwasan ng marami na magkaroon ng agam-agam dahil nga sa mga masamang karanasan ng publiko sa paghawak ng mga armadong pulis sa daloy ng trapiko.
Isa sa pinangangambahan ay lalong magiging talamak ang kotongan matapos namang italaga ang mga pulis na mangasiwa ng daloy ng trapiko sa EDSA.
Agad namang pinawi ng Malacañang ang pangamba ng publiko sa pagkakatalaga ng PNP-HPG sa pagsasabing bigyan muna ito ng pagkakataon na gampanan ang tungkulin na iniatang ni Pangulong Aquino bago ito husgahan.
Hinimok pa ng Palasyo ang mga mamamayan na magsumbong sakaling makaranas ng pangongotong mula sa PNP.
Sana nga ay masolusyunan man lang kahit paano ang problema sa EDSA.
Sa ilalim ng atas ni PNoy, magpopokus ang PNP- HPG sa mga chokepoints sa EDSA, kabilang na ang Balintawak, Cubao, Ortigas, Shaw Boulevard, Guadalupe, at ‘yung Taft Avenue hanggang Roxas Boulevard sa Pasay.
Sana rin ay mali ang iniisip ng mga tao kaugnay ng pangongotong ng mga PNP-HBG.
Umaasa rin tayo na hindi lamang ito paasa ng gobyerno na may ginagawa ang pamahalaan.
Hindi rin kasi totoo ang naunang pahayag ni Transportation Secreatary na hindi nakakamatay ang trapik sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.