KINALAMPAG ng malakas na pagtutol ng mga OFW ang pamahalaan matapos mag-anunsyo ang Bureau of Customs (BoC) na magsasagawa ito ng random inspection sa mga balikbayan box.
Galit at pagngingitngit ang nailabas ng mga kababayan natin na nagpapakahirap sa ibayong dagat.
Personal sa bawat OFW ang balikbayan box. Ilang buwan din nilang pinaghihirapan ang pagpuno sa kontrobersyal na kahon. Paunti-unting pinupuno, katas ng bawat sweldo.
Iyon kasi ang kanilang paraan ng pagpapadala ng kanilang pagmamahal sa pamilyang naiwan sa Pilipinas. Bawat kahon, may kalakip na “I love you” at “I miss you”.
Ngitngit ang isinalubong nila dahil sa takot na baka nga nakawin ang pinaghirapan na laman ng kahon.
Hindi lamang OFW at mga kamag-anak nila ang nagalit, pati ang mga mambabatas at ibang sekto ay naghuhumiyaw din kontra sa plano ng Customs.
Sa panayam ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer kay Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, isang pang-aapi at pangbu-bully ang gagawing ito sa mga OFWs.
Ayon kay Marcos, hindi OFW ang dapat puntiryahin ng Customs kundi kung nagkukulang ito sa kanilang target na kita. Maraming big-time smuggler ang dapat tinutugis—smuggler ng droga, basura at iba pang kontrabando.
Sabi pa ni Marcos kung may mga nagpupuslit na mga OFW nang ipinagbabawal na mga items, madali namang mahuli ito sa pamamagitan ng X-ray machines o di kaya ng mga asong ginagamit nila.
Maging si Senador Ralph Recto ay tutol din. Napakalaki umano ng budget ng Customs pambili ng naturang mga Xray machines kung kaya’t hindi pupuwedeng basta lamang nila pabubuksan ang mga kahon ng OFW.
Ayon sa senador, may ipo-propose raw siyang batas – BBL o “Balikbayan Box Law” na naglalayong magtaas ng tax exemption sa laman ng kahon mula sa dating na $500 at gawin iyong $2,000.
Napakaliit na umano ng $500 at hindi na akma sa ating panahon.
Hirit din ni Senador Cynthia Villa na di dapat pag-initan ang kahon ng OFW. Hindi dapat bulatlatin ito at ang gawin ito ay isang kawalan ng respeto.
Iba naman ang nais ni Rep. Roy Seneres, kinatawan ng OFW partylist at nanungkulan din bilang ambassador. Kung nais umano nilang mahuli ang mga nagpapalusot, doon pa lamang sa mga bansang pinagpapadalhan ng ating mga kababayan dapat magsimula ang paghihigpit.
Kailangang tama ang deklarasyon ng laman ng kahon at pananagutan nila kung anuman ang nasa loob ng naturang mga kahon.
Si Rep. Roman Romulo ay gusto namang ipatawag sa Kamara ang Customs chief na si Alberto Lina at pagpaliwanagin sa kanilang panuntunan.
Kasabay din niyang narinig ang mga pahayag ni Arlene Andes mula sa Belgium, ang chief ng Bantay OCW-Europe Bureau. Katatapos lamang ng broadcast niya sa Amerika kasama si Myles Cruz at nagpahayag ng boycott ang mga kababayan natin doon para sa lahat ng kandidato ng administrasyon kung itutuloy nila ang naturang pagkilos.
Sa Europa at Canada, maraming mga OFW ang nagdesisyong hindi na muna magpapadala. May mga kahong ipinabalik pa sa kanilang mga bahay gayong nasa forwarder na ang iyon.
Mabuti na lang at may mabilis na aksyon si PNoy. Ngayon nakahinga na sila nang maluwag matapos ideklara ni PNoy na hindi na itutuloy ng Customs ang random inspection sa mga kahon ng ating OFW.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.