Agad na sasabak sa trabaho si Sen. Juan Ponce Enrile kapag nakapaglagak na ito ng piyansa.
Kahapon ay naghintay ang kanyang abugado na si Atty. Eleazar Reyes sa pagdating ng resolusyon ng Korte Suprema na pumapayag na si Enrile na makapaglagak ng piyansa sa kanyang kasong plunder sa Sandiganbayan.
Sinabi ni Reyes na nais ng kanyang kliyente na pumasok sa Senado upang makalahok sa mga pag-uusap kaugnay ng mahahalagang isyu na nakakaapekto sa bansa.
“Alam mo naman yun, he feels there are very significant issues that he ought to contribute in the discussion, example… BBL, Philippine Sea,” ani Reyes.
Habang naka-hospital arrest sa PNP General Hospital ay naging abala umano si Enrile sa pagbabasa ng mga libro partikular ang geograpiya ng mundo.
Nagkakahalaga ng P1.4 milyon umano ang piyansa na ilalagak ni Enrile para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ikinatuwa naman ng mga kongresista ang pagpayag ng Korte Suprema na pagpiyansahin si Enrile.
“Mabuti naman makakalabas na siya, he’s a real asset. I am glad he is given the opportunity and the ability to regain his freedom,” ani Speaker Feliciano Belmonte Jr.
Sumuporta rin sa desisyon sina 1BAP Rep. Silvestre Bello III at Isabela Rep. Rodito Albano III.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.