4 kasambahay dakip sa pagpatay sa kano, misis sa balon
Apat katao, kabilang ang isang teenager, ang dinakip para sa pagnanakaw at pagpatay sa American national at misis nito na kapwa natagpuan sa loob ng balon sa Murcia, Negros Occidental, ayon sa pulisya kahapon.
Nadakip sina Randy Nunez, Raymart Medel, at isang 17-anyos na binata sa Sitio Dahlia, Brgy. Puey, Sagay City, dakong alas-9 ng gabi Lunes, ayon sa ulat ng Negros Occidental provincial police.
Nadampot naman ang suspek ding si Randy Perez sa Brgy. Bato, doon din sa Sagay, dakong alas-9:25 ng umaga kahapon (Martes).
Naaresto ang apat nang magsagawa ang pulisya ng operasyon matapos matagpuan ang bangkay ng mag-asawang Kevin at Lolly Fleischauer sa balon na malapit sa kanilang bahay sa Brgy. Blumentritt, Murcia, sabi ni Senior Superintendent Samuel Nacion, direktor ng Negros Occidental provincial police.
Matatandaang nadiskubre ang nabubulok nang katawan ni Kevin noong Linggo ng gabi, habang si Lolly ay natagpuan Lunes ng hapon, matapos ipalimas ng mga awtoridad ang tubig sa balon.
“Mga katulong nila (Fleischauers) itong mga suspect. Dati dalawa lang ito, nung mag-hire ng dalawa pa, may plano na pala,” sabi ni Nacion sa Bandera.
“Natunton sila (suspects) sa Sagay nang malaman ng mga pulis natin ang mga address nila doon,” aniya.
Umamin na sa pagpatay ang isa sa mga suspek at kasalukuyang sumasailalim sa karagdagang imbestigasyon, ayon kay Nacion.
“Ang sabi nung nakausap ko, August 4 pa [pinatay]. Ito ‘yung huling nahuli… Robbery ang motive dahil may mga nakuha sa kanilang gamit at US dollar bills na maaaring galing sa victims,” aniya.
Kabilang sa mga narekober sa apat ang P15,000 cash, 12 piraso ng 20 US dollars, apat na piraso ng 50 US dollars, dalawang piraso ng 10 US dollars, at isang piraso ng 1 US dollar, ayon sa police report.
Nasamsam din sa mga suspek ang sari-saring alahas, dalawang laptop computer, limang cellphone, isang MP3 player, electric grinder, cellphone charger, wallet, at isang kalibre-.9mm pistola na may kargang pitong bala, ayon sa ulat.
Ang mag-asawang Fleischauer ay nagkaroon ng negosyong organic farming. Wala silang anak pero nagpaaral ng isang residente ng Murcia na sinusubukan ngayong kunin bilang saksi laban sa mga suspek, ani Nacion.
– end –
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.