Best nanny ang Pinay

By Susan K December 06,2017
share this

Best nanny ang Pinay

By Susan K December 06,2017
share this

NASUNGKIT ng Pinay OFW sa United Arab Emirates ang parangal bilang Best Nanny ngayong taon.

Nanalo ang 41-anyos na si Melanie Manansala dahil sa pagmamahal at pag-aalagang ipinakita nito sa kaniyang employer.

Inilarawan siya ng kaniyang amo bilang isang mabuting kasambahay, tapat, timbang sa kaniyang mga pangmalas, dedikado at may sapat na kaalaman sa kaniyang trabaho.

Unang nagtrabaho sa Lebanese employer si Manansala mula noong 1993, at nagtagal siya roon ng 12 taon.

Ngayong may bagong employer na siya, hindi pa rin nawawala ang bukas na komunikasyon nito sa dating employer.

Bahagi ng kaniyang napanalunan ang retirement fund na nagkakahalaga ng P1 milyon.

Ito rin ‘anya ang kaniyang pinaghahandaan dahil wala namang maasahan ang isang OFW sa kanyang pagtanda dahil hindi naman sila regular na mga manggagawa.

Gaya ni Manansala, maraming mga Pinay nannies ang kinagigiliwan at lubos na pinagkakatiwalaan ng kanilang mga employer.

Sa maraming bansa sa iba’t ibang panig ng mundo, palaging napipisil ang Pinay pagdating sa pagkilalang ito.

Nangyari rin ito sa Singapore nang naghanap noon ng Best Domestic Worker sa kanilang bansa.

Nasa train station noon ang isang binatilyong inalagaan ng kaniyang Pinay nanny, at nabasa nito ang naturang search.

Kumuha ang binatilyo ng kopya upang alamin ang mga requirements upang isali sa timpalak ang kanyang nanny. Dali-dali siyang umuwi sa kanilang bahay. At agad tinawag ang Pinay nanny!

Masaya nitong ibinalita sa kaniyang nanny na siya mismo ang magsusumite ng kaniyang nomination para sa OFW na nag-alaga sa kaniya mula pa nang siya’y ipinanganak hanggang sa maging binatilyo na.
Buntis pa noon ang kaniyang ina nang magsimula nang magtrabaho ang ating kabayan sa kanilang bahay.

Ipinamalas niya ang tunay na malasakit at pagmamahal sa pamilyang pinaglilingkuran. Itinuring naman siyang kapamilya ng kaniyang mga employer.

Pinagkatiwalaan ito at isinasama-sama ng kaniyang amo sa mga negosyo nito.

Sa kaniya lumaki ang batang inalagaan, na siya naman nag-nominate sa kaniya bilang best nanny. Kaya naman tuwang-tuwa ito nang manalo ang ating kabayan. Hindi rin akalain ng Pinay na ganoon pala siya kamahal ng kaniyang alaga!

Sabi nga niya, parang anak niyang tunay ang turing sa bata.

Kahit pa isang dalaga, nagawa nitong umaktong ina para sa kaniyang alaga at patunay nito ang pagmamahal at malasakit na kaniyang ipinamalas.

Saludo tayo sa mga kababaihan nating seryoso sa kanilang mga trabaho at marunong magpahalaga sa mga taong nagmamalasakit din sa kanila tulad ng kanilang mga amo. Talagang magtatagal ang isang OFW kapag nakatagpo sila ng mabubuti at matitinong mga employer.

Aalagaan din nila nang husto ang mabuting relasyon nila sa mga ito.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

TODAY'S ISSUE OF BANDERA
What's trending