Sylvia Sanchez nagiging emosyonal pagdating sa mga bata: May dahilan ang Diyos kung bakit!
“THANK you @inquirer for giving me the opportunity to read a story to the kids. I had a blast talking to them!
“I am grateful, happy and humbled. #thankuLORD sa panibagong blessing na ito. Happy afternoon!”
Yan ang magkasunod na mensaheng ipinost ni Sylvia Sanchez sa kanyang Instagram account nitong weekend matapos ang ginanap na “story telling” para sa 100 street kids at 50 mag-aaral mula sa iba’t ibang eskuwelahan.
Naimbitahan ang lead star ng teleseryeng Hanggang Saan ng Philippine Daily Inquirer para sa nasabing event katuwang ng Alliance PNB Insurance.
Naging “nanay” at “guro” si Ibyang sa mga bata dahil pagkatapos niyang basahan ng libro ang mga ito ay ipinaliwanag din niya kung anu-anong mga aral ang nakapaloob sa kuwento.
“First time kong gawin ito at nakakatuwa, ang sarap sa pakiramdam kasi mga bata ‘yan, eh. Isipin mo, mga 5 to 7 years old ang dami nilang wish sa buhay kaya sabi ko sa kanila, huwag silang bibitaw sa mga pangarap nila dahil matutupad nila iyon balang araw basta’t magpursige sila,” pahayag ng aktres sa Inquirer Entertainment writer na si Marinel Cruz.
Sa 150 kids na dumalo sa Inquirer Read Along ay hindi naman lahat nakikinig dahil may mga nakita kaming naglalaro, may nag-aaway at may nagkukulitan.
“Dinadasal ko nga na focus lang ako kasi habang nagbabasa ako, may nag-aaway kasi nagkapikunan, may naglalaro, kaya sinabihan ko na huwag silang mag-away. Nakikinig naman sila, pero mga bata, eh, kaya hindi maiwasang magkulitan,” natatawang kuwento ni Ibyang.
Taun-taon naman ay may mga ganitong aktibidad si Sylvia basta’t tungkol sa mga bata ang usapan ay nagiging emosyonal siya, “Ewan ko, basta’t bata ang involved, talagang umoo ako. May purpose ang Diyos kaya niya ako dinadala sa mga ganitong events.”
Sa pagkakatanda namin noong 2016 ay naimbitahan din si Ibyang sa isang fund raising event para naman sa mga special kids na ginanap sa Henry Lee Irwin Theater, Ateneo de Manila University kung saan nagkaroon sila ng fashion show with the kids.
Samantala, dumiretso naman si Sylvia sa Pacific Mall sa Lucena City para sa unang mall show ng Hanggang Saan kasama ang iba pang cast, tulad nina Arjo Atayde, Yves Flores, Marlo Mortel, Viveika Ravanes at Sue Ramirez.
Positibo ang feedback ng mga taga-Lucena sa cast ng Hanggang Saan at talagang alam nila ang lahat ng mga karakter sa kuwento.
Talagang pinakilig nina Marlo, Yves, at Arjo ang mga kababaihan, hindi sila naging madamot na mahalikan ng fans at game na game rin silang umakyat sa balcony side ng Pacific Mall Theater para mapuntahan ang kanilang mga tagahanga.
Game na game rin si Sue na nagpa-picture at nagpayakap sa ilang humahanga sa kanya. Si Ibyang naman ang nagpa-games sa ilang masuswerteng nasa audience.
May matanda pang lumapit kay Ibyang at nagsabing, “Ngayon lang po ako pumunta ng mall show kasi gusto kitang makita nang personal. Kasama ko ang anak at apo ko, gusto ko lang magpa-picture sa ‘yo. Ang ganda-ganda at ang bata mo pala, bakit sa TV ang tanda mo tingnan?”
Sa totoo lang bossing Ervin, ang lakas pa rin ng hatak ni Mama Gloria ng The Greatest Love pero Nanay Sonya na rin ang isinisigaw ng millennials sa aktres.
At kahit pagod sa mahabang oras na biyahe ng grupo ay ang gaan pa rin ng pakiramdam nila dahil marami silang taong napasaya.
Anyway, abangan ang mga kilig na eksena nina Arjo at Sue sa Hanggang Saan na kinunan pa sa Baler.
Dito na magkakadebelopan ang kanilang mga karakter sa serye na napapanood pagkatapos ng Pusong Ligaw.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.