Lotlot mas nahirapang magpalaki at mag-alaga ng mga kapatid kesa sa mga anak
BUKOD sa 50th Annual WorldFest-Houston International Film Festival sa Texas ay kabilang din ang indie movie na “1St Sem” sa 5th Seoul Guro International Kids Film Festival na gaganapin sa South Korea sa Mayo 23.
Yes bossing Ervin, as of this writing ay dalawang international filmfest ang dadaluhan ng mga bida sa pelikula na sina Lotlot de Leon at Darwin Yu kasama ang mga direktor nilang sina Dexter Paglinawan Hemedez at Allan Michael Ibañez.
Mauuna ang Houston, Texas USA sa Abril 24 at umaasa ang grupo na makakasungkit ulit sila ng tropeo tulad noong nakaraang All Lights India International Film Festival sa Hyderabad, India na ginanap noong Setyembre, 2016 kung saan nanalo si Lotlot bilang Best Actress (Sole Acting Citation) at tinanghal mamang Best Feature Film ang movie.
Napanood namin ang “1St Sem” sa ginanap na celebrity at press screening nitong nakaraang Martes at sigurado kaming maraming magulang at mga anak ang makaka-relate sa kuwento ng pelikula dahil tumatalakay ito sa pang-araw-araw na problema ng pamilya.
Lalo na sa isang single parent na ginagampanan ni Lotlot bilang si Precy na may tatlong anak na lalaki. At dahil single parent din sa tunay na buhay si Lotlot kaya tinanong siya kung ganito rin ba ang naranasan niya sa pagpapalaki sa apat na anak nila ni Ramon Christopher.
Ang husay ni Lotlot sa monologue niya habang naglalabas ng mga hinagpis sa buhay lalo na sa linyang sana raw ay buhay pa ang kanyang asawa dahil hindi niya kayang palakihing mag-isa ang kanilang mga anak.
Ayon sa aktres ay malayo sa tunay na buhay ang karakter niya bilang si Mama Precy dahil unang-una, biyuda na ang character niya gayong buhay naman ang kanyang dating asawang si Monching bagamat ilang taon na silang hiwalay, kaya technically, single parent din siya.
Pahayag ng aktres, “Yung eksena po sa mesa na mag-isa ako sa monologue, naiiyak po ako kapag naaalala ko kasi dumating din sa punto ng buhay ko na naramdaman ko na parang mag-isa lang po ako, na wala akong kakampi at hindi ko alam kung tama o mali ang ginagawa ko bilang isang magulang o bilang kapatid na nagpapalaki ng mga kapatid.
“So I went through that struggle also. ‘Yung eksenang hindi ako nakikinig sa mga anak ko, malayo sa personal na buhay, kaya nga napagod ako rito kasi puro ako sigaw.
“I would make it a point na inuupo ko lahat ang mga bata para if they have something to say, marinig ko isa-isa kung may opinyon sila, because I’ve been always honest to my kids. So, hindi, malayung-malayo ako kay Precy,” ani Balot.
Pagmamalaki pa ni Lotlot, “Sa mga anak ko, hindi ako nahirapan, nahirapan ako sa mga kapatid ko. To be honest, kasi, sa mga anak ko, alam ko na anak ko sila. Mahirap magpalaki ng kapatid kasi hindi nila ako magulang.
“So, mahirap ‘yun, hindi ko alam kung tama ba ‘yung ginagawa ko na pangaral sa kanila kasi lahat ng klase ng usap minsan inaabot ko, may umiiyak, may nakikiusap, may tumatawa, pero sometimes, it doesn’t work. So nagtataka ako, bakit sa mga anak ko, nagwo-work, pero sa mga kapatid ko, hindi.
“Yun ang isa sa mga nangyari sa buhay ko na doon ako nahirapan. Pero ngayon, okay na kaming magkakapatid. Siyempre ‘yung growing up years nila, it was a struggle, I guess not only me, but also for them.
“Kasi lagi kong sinasabi sa kanila, ‘guys, kapatid n’yo ako, hindi n’yo ako nanay, but I’m trying my best.’ But thank God, now they’re all okay. Matet (de Leon) is happily married (kay Mickey Estrada). Ian (de Leon) is happily married (kay Jennifer Orcine). Nakahanap na ng trabaho ‘yung dalawa kong kapatid, sina Kiko at Ken but it was a struggle.”
Inamin ng aktres na sa Diyos siya kumakapit lalo na noong mga panahong magkasabay niyang pinapalaki ang mga anak niya at ang mga kapatid niyang ampon ni Nora Aunor na naiwan sa pangangalaga niya, “Dasal lang talaga, I had no one else to hold on to but God.”
Samantala, maganda ang pagkakadirek nina Allan at Michael sa “1st Sem”, malinaw at maayos ang pagkasula. Maganda rin ang kamerang ginamit at gustung-gusto namin ang musical scoring dahil millennial na millennial ang dating nito.
Nagustuhan din namin ang animation sa umpisa ng pelikula.
Baguhan kaya medyo kinakapos pa ang delivery pero maayos namang nakaarte sa kabuuan ang mga co-actor ni Lotlot. Pero kailangan pa ring sumabak sa acting workshops sina Darwin Yu at Miguel Bagtas kung seryoso sila sa pag-aartista.
Mapapanood na ang “1st Sem” sa Abril 26 nationwide handog ng CineFilipino, MediaQuest, PLDT Smart, Unitel at Kayan Productions.
Speaking of Lotlot ay natanong siya kung boto siya kay Rayver Cruz na nali-link ngayon sa panganay niyang si Janine Gutierrez.
Sagot ng aktres, “Basta kung saan siya masaya. Huwag lang na nakikita ko ‘yung anak ko na nasasaktan. Kilala ko naman si Rayver dahil nakasama ko siya sa Spirits (aksyon-serye ng ABS nu’ng 2004). So, he’s a good person. He’s a good boy. Whatever happens to him, ngayon magkaibigan sila ni Janine. I don’t know what their plans are, kung ano ang plano niya so dapat siya ang tanungin natin,” anang aktres.
Aminado rin naman ang ina ni Janine na labis siyang nalungkot nu’ng nakita niya ang anak na broken-hearted sa dating karelasyon na si Elmo Magalona.
“Siyempre, nasasaktan ako na nakikita ko ang anak ko na malungkot, sabi ko, life goes on, kailangan mong pagdaanan ‘yan, pero bukas o sa makalawa, magiging okay na, and I think, naka-move on na siya,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.