Epekto ng Greatest Love: Sylvia bigla na lang natutulala pag nasa bahay
“IBA ang nagawa ng The Greatest Love sa buhay ko, sa career ko, for 27 years ito ‘yung nag-angat sa akin.” Ito ang maluha-luhang pahayag ni Sylvia Sanchez sa ginanap na thanksgiving presscon ng kanilang serye na tatlong linggo na lang mapapanood sa ere.
“Ito ‘yung nagpakita ng kakayahan ko bilang artista, marami na akong naging projects, marami na akong teleserye at pelikula, pero ito ‘yung pinaka, ito ‘yung sabi ko nga bonding ko sa magiging apo ko.
“Umorder pa ako ng album ng wedding as in totoong album na ikinasal ako with Peter (Nonie Buencamino), from day one hanggang ngayon, naka-record ito sa akin.
“Gusto ko kumpleto ako kapag marami na akong apo at nasa isang sofa na lang ako, ito ang ipagmamalaki ko, ito ‘yung sasabihin ko sa mga apo ko na pinakamagandang nagawa ko, kahit saan (parte) mundo ako pupunta, ito ‘yung bitbit ko, The Greatest Love.
“Ito ‘yung nagpakilala sa akin sa lahat ng tao na kakayahan ko bilang artista,” ang paliwanag pa ni Ibyang nang tanungin kung bakit naluha siya habang ipinapakita ang audio video presentation kung pinag-usapan ang respeto at pagmamahal na ibinigay sa kanya.
Nabanggit din ni Ibyang na kinikilig siya sa loveteam nina Gloria at Peter, “Oo kinikilig ako sa kanila, ako ‘yung number one fan nila, ako ang presidente ng fans club nila. Natutuwa ako kasi at the age of 45 and si Nonie is 51, kasi hindi kami mga teenager, pero kinikilig lahat. At pati teenagers, kinikilig din.
“Lagi ko ngang sinasabi, nu’ng bagets ako, sexy ako, wala kaong loveteam at walang kinikilig sa akin. Ngayon kung kailan eto na ‘yung katawan ko, nanay na ako, ang dami ko ng anak, 45 na ako saka ako nagkaroon ng ka-loveteam at lahat natutuwa,” sabi pa ng aktres.
Nang matanong tungkol sa salbahe niyang anak sa serye na si Amanda (Dimples Romana), posible bang itakwil niya ito kung nangyari sa totoong buhay? “Hindi po mawawala ang pagmamahal ng isang ina sa anak, never. Pero minsan may mga anak na kailangang bigyan ng tough love kasi minsan nawawalan na ng respeto sa magulang.
“Siguro ‘yung tough love na ‘yun, e, baka matuto silang rumespeto sa magulang pero never mawawala ang pagmamahal ng magulang sa kanyang anak hanggang kamatayan ‘yun at maski sa kabilang buhay.
“Ako personally, sinasabi ko bago ako mamatay, sana maayos na ang mga anak ko sa buhay nila, sa trabaho at maligaya sila para pagdating ko sa langit, wala na akong gustong balikan dito at doon na lang ako para humarap sa Diyos at patuloy na ipanalangin ang mga anak ko, good health, happiness at masaya sila at intact ang pamilya ko,” aniya pa.
q q q
Aminado ang buong cast na sobrang hirap ng mga eksena nila sa TGL at bago raw sila kunan ay talagang kinukundisyon nila ang mga utak nila, nariyang naglalaro muna sila at nagtatawanan, si Andi Eigenmann bilang si Liezel ay kinakain daw ang props.
Bawal din daw magkamali sa dialogue dahil may parusa, “Magpapakain po sa set kaya lahat magagaling, minsan nga, sinasabi na lang, ‘huwag mo namang husayan masyado,” singit ni Dimples.
Nadadala ba ni Ibyang ang karakter niyang Gloria pag-uwi ng bahay? “Hindi naman, pero ako minsan nadadala ko ‘yung natutulala ako. Everyday kasi pino-portray ko ‘yung Gloria, nakakalimot, hindi ko naiwasang nadadala ko, minsan nasa bahay ako, nakatulala ako, ‘sabi ko, ano nga?’ Saka ang nadadala ko pa, ‘yung pagmamahal bilang nanay sa pamilya.”
Dahil mahusay na aktres ay hindi pa rin nawawala ang pressure kay Sylvia sa bawa’t eksenang gagawin niya.
“Lahat ng papuri sa akin, pinasasalamatan ko, pero iwinawaglit ko kaagad iyon, kasi kung iisipin ko parati, mawawalan na ako ng room for improvement, iisipin ko na magaling na ako, so ayoko ng ganu’n, ayoko ng kampante, gusto ko lagi akong natsa-challenge.
“Ang pressure pa sa akin kapag nanonood na ako ng Ang Probinsyano at My Dear Heart kasi ‘yung mga anak ko, mga kontrabida ang papel at pareho pang nasa primetime, so doon ako napi-pressure kapag nanonood ako.
“Doon ako natataranta talaga and thankful naman ako kasi kahit paano, marurunong din sila (umarte), maayos din sila.
“Si Arjo (Atayde) okay na sa akin, pinakawalan ko na kasi dati panay din ang payo ko sa kanya na ganito at ganyan at natsa-challenge naman siya kaya lalo niyang pinagbubuti.
“Si Ria, medyo sensitive than Arjo kaya inalalayan ko, kasi minsan may nabanggit akong dapat ganito ‘yung ginawa niya, sasabihin niya, ‘mom, I knew it, they told me na.’ Kaya sabi ko, makinig ka sa akin kasi ako nanay mo, sasabihin ko ang totoo.’ So medyo alalay ako kay Ria,” kuwento ng aktres.
At ngayong malapit nang magtapos ang The Greatest Love ay plano ni Ibyang na dalawin ang nanay niyang nasa Mindanao na matagal na niyang hindi nakikita dahil naging abala siya sa trabaho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.