Bryan Termulo walang bisyo sa katawan; ayaw pang mag-asawa
MAGANDA ang pasok ng 2017 kay Bryan Termulo. Bukod sa kanyang singing career, kinuha na rin siyang ambassador ng Megasoft Hygienic Products para sa “2017 School Is Cool Tour”.
Bagama’t 2016 pa raw siya naggi-guest sa mga events ng Megasoft lalo na kapag may provincial tour sila ay nitong 2017 lang siya sinabihan na magiging ambassador na rin siya.
“So hindi man ako active sa mga shows o pagkanta ng teleserye theme songs, may iba naman akong ginagawa, plus the fact na I have five minutes segment sa Salamat Doc (public service program ng ABS-CBN) every Saturday and Sunday.
“Aangal pa ba ako, e, five minutes ‘yung ibinigay sa akin ng show at solo ko lang, unlike sa ibang program, segundo lang ang exposure mo. Kaya nga thankful ako sa lahat ng nangyayari sa akin kasi may bago akong career, TV host na rin,” kuwento ni Bryan.
Ano ba talaga ang magiging trabaho ni Bryan sa Megasoft? “I am representing Megasoft kasi may advocacy sila to promote the education at ako ‘yung magbibigay ng talk, testimonials para sa mga bata na lahat sila may mga hugot o pinagdadaanan.
“Gusto kong i-share sa kanila na napagdaanan ko lahat ‘yan nung nag-aaral pa ako, kaya papayuhan ko sila na take it easy. Nandoon kami to entertain and the same time, to give testimonials sa students,” paliwanag ng binata.
Kilalang singer si Bryan pero umarte na rin siya sa mga serye tulad ng Dream Dad, Budoy at Huwag Ka Lang Mawawala bukod pa nga sa pagkanta ng mga teleserye theme songs.
Pero nitong hindi na siya masyadong nabibigyan ng project ay nag-aral siya hanggang sa magtapos ng kursong Mass Communication sa Trinity University of Asia at nitong Disyembre lang ay natapos niya ang supplementary education at plano niyang mag-board exam ngayong 2017 para makapagturo siya sa high school o elementarya.
Sa edad na 28 ay wala pang planong mag-asawa ang binata dahil gusto muna niyang makapag-ipon para sa future niya dahil lahat ng kinita niya nitong nakaraan ay ipinagpagawa niya ng bahay nila sa Bulacan kung saan nakatira ang magulang niya.
“Retired na po pareho ang parents ko at kaming magkakapatid na lang ang sumusuporta sa kanila. Kami ang nagsabing tumigil na sila at mag-stay na lang sa bahay kasi kaya naman namin na,” kuwento ni Bryan.
Higit sa lahat, walang bisyo si Bryan, “I don’t smoke, I don’t drink, well occasionally, depende pa. More on bahay kasi ako talaga lang, nanonood.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.