Pinoy Boyband Superstar finalist umaming nag-drugs
NAKATSIKAHAN namin ang isa sa grand finalist ng Pinoy Boyband Superstar na si Mark Oblea sa ABS-CBN building. May taping daw ang binata na malapit lang sa Kapamilya network at napadaan lang siya para kumain.
Kasama na si Mark sa bagong serye ng Dos na My Dear Heart starring Zanjoe Marudo, Bela Padilla and Ms. Coney Reyes.
Sabi namin, maswerte siya dahil kahit hindi siya nakapasok sa BoybandPH ay mayroon na agad siyanmg acting career. Ang sagot ng binata sa amin, “Mas okay pa nga po na hindi ako nakapasok sa BoybandPH, mas maganda pala ang magiging career ko.
“Actually, gusto ko po talagang mag-showbiz kaya sumali ako sa PBS, e, hindi naman ako nakapasok, na parang naging mas okay kasi napunta ako sa talagang gusto ko. Pero hindi ko pa rin po iiwan ang pagkanta.”
Nagtapos si Mark ng Hotel Restaurant Management sa Perpetual College pero hindi naman niya napa-practice dahil nga mas hilig niyang kumanta. At dahil sa kawalan ng regular na trabaho ay aminadong naging pasaway siya sa magulang.
“Hindi naman po ako nalulong sa drugs, nasubukan ko lang mag-marijuana at ecstacy kasi sa barkada, libre po kasi, kaya tanggap lang ako nang tanggap, peer pressure kumbaga.
“Siguro po mga three weeks na ganu’n, hanggang sa na-realize ko, parang wala namang nangyayaring maganda sa buhay ko, kaya ako na rin po mismo ang tumigil.
“Binago ko na po ang buhay ko kasi nahiya na ako sa mama ko, siya lang po ang meron ako ngayon, wala po kasi akong tatay, iniwan kami nu’ng ipinagbubuntis palang ako.
“Sa lahat po ng problema ko na pinagdaanan ko, hindi ako iniwan ng mama ko, kaya pinilit kong magbago para sa kanya at kaya rin po ako nagpu-pursige para sa kanya,” kuwento ng binata.
Si Mark ang bread winner sa pamilya dahil ang kuya niya ay kailan lang nagkatrabaho, “Lahat po ng raket, pinasok ko para kumita, ‘yung pagkanta-kanta po sa malls, sa mga probinsya. Minsan po, dalawang beses sa isang linggo, kikita ako ng 5,000 kasi 2,500 po per show.
“Ibibigay ko sa mama ko ‘yung 3,000, maiiwan sa akin 2,000 at pagkakasyahin ko po ‘yun hanggang sa magkaroon ulit ako ng work. Kapag wala po akong kinita, tiis-tiis kami,” ani Mark.
Nasaan ang tatay niya, hindi ba niya hinanap? “Actually hindi na po, kasi nasanay na rin naman kami. Nagparamdam naman sila (pamilya ng ama) nu’ng PBS kasi sabi nila, support daw nila ako. Nagpasalamat naman po ako. Pero hindi ko na siya hinanap pa, alam ko may pamilya na siya at may kapatid akong babae na bata pa.”
Noon pa raw gustong mag-showbiz ni Mark kaya lahat ng artista search ay sinubukan niya, “Hindi na po ako baguhan sa audition, lahat sinubukan ko na, Starstruck sa GMA, Artista Academy sa TV5, at itong PBB (Pinoy Big Brother), lahat po hindi ako tinanggap, mukhang hindi nila ako gusto.
“Actually, nag-apply din po akong maging flight attendant sa PAL, for interview na po ako, kaso biglang tumawag ang PBS, e, mas pinili ko po ang PBS, kasi ito naman talaga ang gusto ko,” paliwanag ng binata.
Baka nga ito na ang tamang panahon kay Mark dahil hindi man siya nakapasok sa PBS, heto at pasok naman siya agad sa My Dear Heart. Bukod dito, makakasama rin siya sa bagong episode ng Wansapanataym para sa buong buwan ng Enero with Loisa Andalo at Jameson Blake ng Hashtag.
“Nagpapasalamat po ako sa Dreamscape Entertainment, kay sir Deo Endrinal at kay sir Erickson Raymundo (ng Cornerstone Management) kasi sila agad ang umayos,” pahayag pa ng binata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.