Awra sa bahay ni Vice Ganda magpapasko: Feeling ko kasi tunay ko talaga siyang anak!
“ANG lesson na ibinigay sa akin kapag kumikita ang pelikula ko ay mas mabait po ako, hindi sumasakit ang ulo ng management, hindi mainit ang ulo ko, madali nilang natatapos ang buhok ko at make-up ko at madali akong kausap!”
Ito ang tumatawang sabi ni Vice Ganda nang tanungin kung ano ang nararamdaman niya ngayong super mega blockbuster ang “The Super Parental Guardians” movie nila ni Coco Martin na idinirek ni Binibining Joyce Bernal mula sa Star Cinema.
Bagama’t sina Vice at Coco ang ibinebenta sa pelikula kasama sina Awra Briguela at Onyok Pineda ay mas ibinibigay ng Unkabogable Phenomenal Star ang credit sa mga kasama niya sa “SPG.”
“Mas may tagumpay tayong nararamdaman ay mas may conscious effort na, ‘Uy magpakabait tayo kasi baka bawiin ni Lord (ang blessings), tapos malaking bahagi kasi ng tagumpay na ito ay ‘yung trabaho nu’ng mga kasama ko dahil singdami rin naman ng mga tinrabaho nila ‘yung tinrabaho ko.
“‘Yung hirap na pinagdaanan ko ay pinagdaanan din naman nila kaya lahat kami lalo na si direk Joyce kasi ang laking hamon sa amin pareho na gumawa ng pelikula nang mabilisan,” kuwento ni Vice.
Sa estado ngayon ni Vice ay wala na raw siyang mahihiling pa lalo na sa materyal na bagay dahil halos lahat ay mayroon na siya.
“Siguro para sa pamilya ko, good health lalo ng nanay ko kasi siya na lang ang taong pinagsisilbihan ko, wala na kasi ang tatay ko. Gusto kong iparamdam sa nanay ko ang sarap ng buhay na tinatamasa ko ngayon. At health ng mga taong mahalaga sa akin,” ani Vice Ganda.
Tinanong naman namin kung sino si Vice Ganda sa likod ng camera? “Sino ba ako? Si Vice pa rin, pero hindi masyadong patawa, mas gusto kong mag-observe, pag nasa camera ako, salita ako nang salita, pero pag wala, mas gusto kong makinig kaysa magsalita.”
Sundot namin, masungit ka ba? “Hindi, seryoso po ako, pero masaya. Pag nasa harap ng camera, sinasadya mong magpatawa, eh. Pero pag nasa likod at hindi ko naman kailangang magpatawa, hindi ako nagpapatawa. Kasi hindi naman sa lahat ng panahon tumatawa tayo.”
Samantala, maraming natutulungan si Vice at may mga pinag-aaral siyang hindi niya kamag-anak na hindi naman nasusulat, pero nalaman namin kaya gusto namin itong i-share (tiyak na mayayari kami pag nabasa niya ito).
Isa rin sa planong tulungan ni Vice ay si Awra na pakiramdam niya ay tunay daw niyang anak. Sa bahay din daw niya magno-Noche Buena ang bagets. Hindi nga lang uubra sa Bagong Taon dahil nasa ibang bansa na ang komedyante kasama buong pamilya at Team Vice.
Tinanong namin kung may plano rin siyang dalhin sa ibang bansa si Awra, “Wala pa yata siyang passport at saka mahirap kasi minor, kailangan pa ng consent from the parents,” sabi pa ni Vice.
As of this writing ay malapit nang umabot sa P300 million mark ang “The Super Parental Guardians” at kapag hindi pa rin nagbago ang statistics nito hanggang dumating ang Metro Manila Film Festival ay baka hindi ito i-pull out sa ilang SM Cinemas. Ito’y base na rin sa nalaman namin sa ilang bookers.
Pag natuloy ito, mababawasan na ang mga sinehang paghahatian ng walong pelikulang kasali sa MMFF 2016.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.