Sylvia Sanchez sa lovelife ni Arjo: Kung kaya mo nang magpakain ng sarili mong pamilya, sige lang, go!
FAMILY Day noong Linggo ng mga Atayde, pero binigyan ni Sylvia Sanchez ng panahon ang imbitasyon sa kanya para sa Celebrity Inclusion Fashion Show na may titulong “Beauty Knows No Boundaries: Asia’s First Pageant for People with Special Needs”.
Ito’y ginanap sa Henry Lee Irwin Theater, Ateneo de Manila University handog ng MP at JCA Productions.
Successful ang ginanap na event para sa mga batang may special needs dahil pawang mga sikat na celebrity ang dumalo at take note, hindi sila naningil ng talent fee kabilang na sina 2010 Miss Universe 4th Runner-Up Venus Raj, Mylene Dizon, mag-asawang Kean Cipriano at Chynna Ortaleza, Jerika Ejercito, Angel Jacob, Ria Atayde, Rocco Nacino, Paolo Bediones, Tim Yap, Dough at Cheska Kramer kasama ang mga anak, Heart Evangelista-Escudero at Judy Ann Santos-Agoncillo. Marami ring GMA 7 artists na nakisaya sa event.
Ayon kay Ibyang kaya niya tinanggap ang imbitasyon maski na para sa pamilya niya ang araw ng Linggo ay dahil, “Gusto ko talaga ang mga ganitong project, basta para sa mga batang may special needs o sa mga taong may sakit, hindi ko tatanggihan. Kaya nu’ng tinawagan ako ng coordinator ni Ms. Suzanna Yuzon, umoo kaagad ako,” pahayag ni Nanay Gloria ng seryeng The Greatest Love.
Natutuwa kami sa mga batang nag-participate sa event dahil maski na may special needs sila ay ang gagaling nilang kumanta at ‘yung iba ay sanay na sanay sa tao.
Pagkatapos ng event ay dumiretso naman agad si Ibyang sa isinagawang Bida Kapamilya Isang Pamilya Tayo Ngayong Pasko An Integrated News and Current Affairs Family Fair sa Marikina Sports Complex kung saan dinaluhan din ng maraming artista ng ABS-CBN.
But prior to these events ay sinamahan din ng aktres ang anak niyang si Arjo Atayde sa event nito sa Axe Black Concept Store sa Bonifacio Global City noong Biyernes.
Binuksan sa publiko ang Axe Park noong Sabado at Linggo, na may temang “Atleisure” kung saan makikita ang mga gamit ng taong mahilig sa sports tulad ng towels, water jugs, caps, bomber jackets, football shoes, at iba pa na puwedeng bilhin.
Katwiran ng ina ng aktor, “Maski sabihin nating abala rin ako sa trabaho ko, hindi naman natatapos ang pagiging nanay ko sa mga anak ko. Biglaan nga ito, kasi nito lang sinabing may ganitong event si Arjo kaya si Ria nataranta kasi may taping din siya ng Wansapanataym, e, siya ang nag-aasikaso ng design ng Axe concept store ni Arjo, so hindi niya kakayanin.”
q q q
Samantala, tinanong si Ibyang tungkol sa bagong girl sa buhay ng anak, “Pagdating sa lovelife ni Arjo, hindi ako nakikialam, pero alam niya na marami akong bilin sa kanya na seryosohin muna niya ang career niya.
“Parati kong sinasabi sa kanya, ‘Anak, pangarap mo itong showbiz kaya pagbutihin mo, seryosohin mo, marating mo muna ‘yung gusto mo, mag-ipon ka, kung narating mo na at marami ka nang ipon o stable ka na at kaya mo nang magpakain ng sarili mong pamilya, then go ahead,” sabi ng aktres.
Ang laging bilin ni Ibyang pagdating sa pakikipagrelasyon ng mga anak, “Dapat marespeto sa pamilya ang bata, mabait, marunong makisama at huwag bitch dahil kung bitch siya, aawayin ko siya.”
Anyway, nagpapasalamat si Sylvia sa lahat ng sumusuporta sa kanya at sa kanyang mga anak dahil sa init ng pagtanggap ng mga tao sa kanilang mag-iina.
Nagpasalamat din ang aktres sa lahat ng sumusporta sa The Greatest Love, lalo na doon sa mga nagpapa-trending sa kanila social media.
“Group effort iyon dahil hindi ko naman magagawang mag-isa ‘yun, lahat ng mga anak ko roon ang gagaling, grabe, nandoon na yata lahat ng magagaling na artista, mula kay Dimples (Romana), Andi (Eigenmann), Aaron (Villaflor) at si Matt (Evans) na bilib ako sa pagiging bading niya, minsan nga, tinanong ko nang seryoso, ‘Mat, bading ka ba talaga?’ Kasi ibang klase, napakanatural, walang effort.
“At siyempre, ‘yung apo kong si Joshua Garcia, ang galing ng batang ‘yun, may lalim talagang umarte, tahimik lang ‘yun sa set, pero pag umarte na nakita n’yo naman, di ba? At siyempre sina Rommel (Padilla) at Noni (Buencamino),” sey pa ni Ibyang.
Biniro nga namin ang publicity staff na si JC Baguio na baka abutin ng dalawang taon ang The Greatest Love dahil ang kapal pa ng istorya at napakarami pang pwedeng gawin sa mga karakter, “Why not, ang ganda kasi at ang daming puwedeng buksang kuwento. Saka ang taas ng rating, usually kasi patay na oras na ‘yun, after Doble Kara tutulog na ang mga tao, ngayon hindi na, inaabangan na ang The Greatest Love,” sabi sa amin.
Oo nga, in fairness, kaliwa’t kanan ang mga naririnig naming magagandang feedback sa TGL, kami lang yata ang hindi nakakapanood dahil oras ng deadline namin yun! Ha-hahaha!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.