Regine agaw-eksena sa ‘Divas Live In Manila’; Yeng, Kyla, KZ, Angeline binigyan ng standing ovation
SUCCESSFUL ang “Divas Live In Manila” concert nina Yeng Constantino, Kyla, KZ Tandingan at Angeline Quinto na ginanap sa Araneta Coliseum noong Biyernes ng gabi.
Sobrang trapik noong gabing iyon dahil naging malaking parking lot na naman ang EDSA kaya halos lahat ng nakatsikahan namin ay late nakarating, pero sulit naman dahil nag-enjoy talaga ang audience sa kulang tatlong oras na pagtatanghal ng apat na divas ng Cornerstone Talent Management ni Erickson Raymundo.
Opening number pa lang nina Yeng, Kyla, KZ at Angeline ay nakakabingi na ang palakpakan kung saan binirit agad nila ang “Survivor,” “Formation” at “Independent Women” kasama ang G-Force Dancers.
Sinundan ito ng “Shake It Off” ni KZ; “Break Free” ni Angeline; “Work, Work, Work” ni Yeng at “All About The Bass” ni Kyla. As expected, kanya-kanyang hiritan ng punchline ang apat pero makikita kung sino talaga ang baliw, kalog at komedyana sa kanila.
Tama nga ang sinabi nina Yeng, Kyla, KZ at Angeline sa nakaraang presscon ng “Divas Live in Manila” na hindi sila puwedeng ipagkumparang apat dahil iba-iba ang timbre ng boses nila at istilo.
Ang laki nang ipinagbago ni Yeng na rati ay mahiyain o hindi gaanong puma-punchline, iba talaga ang nagawa sa kanya ng pag-aasawa dahil wala na siyang hiya. Si KZ naman ay subtle kung humirit pero may dating.
Bagama’t mababaw din si Angeline ay aliw ang lahat sa kanya dahil kapag humirit ay hindi niya alam na nakakatawa na siya. As usual, si Kyla ay mahina pa rin sa punchline kaya hindi siya makasabay sa mga kasamahang diva.
Okay naman ang duet nina Kyla at Angeline (I Know Him So Well) pero mas lumakas ang tilian ng mga tao nang kantahin na ni KZ ang ipinanalo niya sa sa Himig Handog 2014, ang “Mahal Ko o Mahal Ako.” Pansin namin na pareho pala ng istilo sa pagkanta at boses si KZ at ang international singer na si Pink.
Next spot number ay si Yeng sa awiting “Jeepney Love Story”, ang nagpasikat sa kanya nang husto noong nasa loob pa siya ng Pinoy Dream Academy na “Hawak Kamay” at ang awiting sinulat niya para sa asawang si Yan Asuncion na “Ikaw.”
Sabi ng kasama namin ay puwedeng ikumpara si Yeng kay Taylor Swift na isa sa highest paid songwriter/singer at mala-Madonna at Lady Gaga naman pagdating sa performance.
Enter si K Brosas na humirit na siya ang panglimang diva sa show. Kinanta nilang lima ang “May Bukas Pa” na nabigyan nila ng bagong atake.
Ang sumunod na nagpakitang gilas sa pagkanta ay ang pinaka-emosyonal sa apat na diva, si Angeline na lahat ng inawit ay may “moment” tulad ng “One Moment In Time”, “Moment Like This” at “This Is The Moment” habang naka-harness na una nang ginawa ng idol niyang si Regine Velasquez.
Ang ang huling nagpakita ng galing sa pagkanta ay si Kyla na masasabing pinaka-senior sa kanilang apat kaya may tagline siyang “longevity.” Oo naman, 16 years na siya sa music industry at kinikilala na ngayong Queen of R&B. Kinanta ni Kyla ang awiting muling nagpaingay sa pangalan niya, ang themesong ng serye nina James Reid at Nadine Lustre na “On The Wings Of Love”, at “Till I Met You”.
Panalo rin ang production number ng apat na divas kasama ang Queen of Soul na si Jaya na nag-ala Tina Turner at Beyonce naman on stage.
Pero ang isa sa most-applauded talaga that night with matching standing ovation ay ang paglabas ni Regine Velasquez on stage, ibig sabihin hindi pa rin nalilimutan ng tao ang Asia’s Songbird maski na hindi na siya aktibo sa concert scene at take note, hindi na siya mataba ngayon.
Ang awiting “Shine” ni Regine ang unang kinanta ng divas na sinundan ng kanya-kanyang spot ka-duet ang Songbird: “You Made Me Stronger” with KZ; si Yeng sa awiting “Pangako”; next si Angeline sa awiting “Dadalhin” at “Pangarap Ko Ang Ibigin Ka” kasama si Kyla.
Standing ovation nga with matching hiyawan at palakpakan ang ibinigay ng audience kay Regine pagkatapos ng production number nilang lima.
As expected, todo ang pasalamat ng apat na divas kay Songbird at humirit pa nga si Angeline sa kanyang idol ng, “Thank you po sa pagpunta, kahit wala po kayong talent fee.” Na agad namang sinagot ni Regine ng, “Ay meron, ‘yung talent fee mo binigay sa akin kaya ikaw ang wala, ang laki nga e!” Kaya tawanan ang mga manonood.
Speechless naman si Yeng nang sabihan siya ni Regine na gawan din daw siya ng kanta. Imagine nga naman, mismong ang Songbird na ang nagpapagawa ng kanta sa Pop Rock Princess?
Bilang huling pasabog, kinanta ng apat ang sikat na awitin ng bawa’t isa. Nauna si Angeline sa kanta ni KZ na “Huwag Ka Nang Umiyak” na soundtrack ng FPJ’s Ang Probinsyano; ang awiting “Lapit” ni Yeng ay kinanta naman ni Kyla; at ang “Kunim Mo Na Ang Lahat Sa Akin” na pinasikat ni Angeline ay kinanta ni Yeng habang si KZ naman ang kumanta ng “Hanggang Ngayon” ni Kyla.
Sa ending ng concert, binirit ng apat ang mga awiting “Superstar”, “I am Changing”, “Patuloy Ang Pangarap” at “Salamat.” At kumpirmado na, inaayos na ang gaganaping “Divas Live World Tour”.
Congrats sa Cornerstone Concerts sa napakagandang show na ibinigay nila sa fans ng apat na divas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.