Yeng nakapagsulat na ng 100 kanta; malaki ang kinikita sa ‘royalty’
AABOT na pala sa mahigit 100 songs ang nasulat ni Yeng Constantino.
Ito ang sinabi ng Kapamilya singer sa one-on-one interview namin sa kanya pagkatapos ng presscon ng “Divas Live In Manila” concert sa Smart Araneta Coliseum sa Nob.11 kung saan makakasama niya sina Kyla, Angeline Quinto at KZ Tandingan.
“Lahat po siguro lampas ng 100 at ‘yung naka-register po sa FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors and Publishers) siguro nasa 55 songs na po,” saad ni Yeng.
Hinilingan din daw siya ni Martin Nievera na isulat siya ng kanta, “Sabi po ni tito Martin, ‘Uy sulatan mo ako ng kanta.’ Nakaka-happy naman po kasi nakaka-gain na ako ng attention in that way as a songwriter.”
Tinanong namin ang batang composer kung paano niya nabubuo ang kanta para sa isang tao, base ba ito sa personalidad? “Opo, ngayon, ‘yung kay Erik Santos, inisip ko lang na, ‘ano kayang magandang sound for Erik’ at ma-ganda naman ‘yung feedback at nasa top 10 ng MYX, so at least na-introduce na siya in a brand new way music na R&B Pop Ballad pa rin.
“Even po ‘yung kay Angge (Angeline Quinto), meron akong R & B na nilagay sa kanya, pero yung isa forte niya which is ballad, sobrang sakit na kanta.
“Kay KZ naman para sa upcoming album niya, nakalimutan ko na, pero meron one song po,” kuwento ni Yeng.
Noong nagsisimula palang si Yeng pagkatapos niyang manalo sa Pinoy Dream Academy ay nabansagan siyang Pop Rock Princess dahil nga rock ang tunog niya. Pero ngayong sanay na sanay na siya music industry ay kailangan na rin niyang mag-crossover.
“Yes po, kailangan. Bilang songwriter po, ang nakikita kong established na talagang sumusulat ng mga ballad, or mellow kasi tayong mga Pinoy, ito ang gusto natin, relaxing at emotional kaya I want to follow the footsteps of sir Rey Valera, sir Vehnee Saturno, parang nag-e-explore po ako on that area,” kuwento ni Mrs. Yan Asuncion.
“At saka for longevity po kaya naisip kong magbago rin ng music, kasi tulad nga-yon, may asawa na ako, gusto ko ring magka-baby. Sabi nila, bilang songwriter daw at kapag wala ka ng ginagawa kumikita ka pa dahil sa royalty kaya iyon po ang iniipon ko ngayon,” sabi pa ng singer.
Aminado si Yeng na malaki-laki na ang kinita niya sa royalty dahil nagamit na ang mga kanta niya sa mga TV commercial tulad ng “Hawak Kamay” at “Ikaw.”
“Malaki naman po, kaso hati po kami ng Star Music kasi under po ako sa kanila, kaya 50-50 po,” kuwento ni Yeng.
Hindi pa raw umaabot sa 7 figures ang bayad kay Yeng sa royalty, “Hindi pa po, wala ako sa level na ganu’n, si sir Ogie Alcasid po ‘yun.”
Sa loob ng 10 taon ni Yeng sa music industry ay marami pa siyang gustong gawin sa buhay, natupad na ang isa sa dream niyang musical play na “Ako Si Josephine” na katatapos lang mapanood sa PETA Theater produced ng Cornerstone Concerts & Events na magkakaroon daw ng rerun. Tampok dito ang mga hit songs niya.
Samantala, sa concert nilang “Divas Live In Manila” ay wala raw “diva-diva” sa kanilang apat pagdating sa kantahan dahil hating-hati raw ang repertoire nila, walang may mas nakalalamang.
Maraming curious kung bakit sila tinawag na Divas? Inspired ba ito sa Divas nina Celine Dion, Mariah Carey, Whitney Houston, Christina Aguillera, Beyonce, Sarah Brightman, Madonna, Barbra Streisand at iba pa?
“Hindi ko po alam kay kuya Erickson (Raymundo, manager/producer), kasi ganu’n po ‘yung puwesto namin sa industry, parang sino bang diva sa genre na soul, si KZ, tapos sa R&B si ate Kyla, pag diva na new generation na birit, si Angeline, pag pop rock music po, siguro ako,” katwiran ni Yeng.
Ang “Divas Live In Manila” ay produced ng Cornerstone Concerts & Star Events with musical director Ria Villena Osorio at stage director naman si Paul Basinillo with special guests K Brosas, Jaya and Asia’s Songbird at Regine Velasquez.
Mabibili ang tickets sa Tickenet, 911-5555.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.