Arnel Pineda matagal nang tumigil sa paggamit ng droga
SA GINANAP na presscon ng “Powerhouse: A Concert Of World-Class Pinoy Performers” noong Linggo sa Eclipse Bar Solaire Resorts & Casino, tanging sina Arnel Pineda at X-Factor UK finalist 4th Impact lang ang nakarating.
Stranded daw si Michael Pangilinan sa Bacolod City dahil sa bagyong Karen habang si Morissette Amon naman ay nasa Singapore pa rin para sa isang show.
Muling nagpakita ng husay sa pagkanta ang 4th Impact na talagang ikinagulat ni Arnel dahil ang tataas daw ng boses, “Kinakabahan ako, baka hindi ako makasabay,” biro ng bokalista ng American band na The Journey.
At mukhang masama nga ang pakiramdam ni Arnel that time dahil hindi siya gaanong humataw nu’ng siya na ang kumakanta sa entablado.
Anyway, tinanong si Arnel tungkol sa ginagawang pagsugpo ng Duterte administration sa illegal drugs na walang sinisino ngayon kabilang na ang mga artistang sikat.
Hindi itinanggi ni Arnel na nasubukan niyang gumamit ng droga noon pero matagal na siyang tumigil. Katwiran ni Arnel kaya kinalimutan na niya ang drugs, “I think it will not do you really good. So I think kung sino man ‘yung mga tao na concerned, taga-showbiz man sila o hindi, they should stop.
“Kasi, personally hindi siya maganda talaga sa katawan. It will just ruin your health and eventually it will ruin your life. Ako, matagal na. I’ve been off the hook for 14 years,” pahayag ng singer.
Dagdag pa niya, “The worst you can imagine pagdating sa drugs. Health mo, not so good, voice mo, not so good, life mo, wala. It’s always down and out ka.”
May mga kakilala kami na nagsabing kapag naka-drugs daw ay maganda ang dulot nito sa kanila, lalo na kapag may exams dahil sobrang talas daw ng pag-iisip nila at kapag musikero ka naman ay mas maganda ang performance mo sa entablado.
Totoo naman daw iyon, sabi ni Arnel, pero, “Pansamantala lang yun. But the bad permanent effect is the one that’s inevitable. That’s the one that you should worry about.
“Yun yung temporary fun, good fun, good sex, good night life, pero pag lagi mo na siyang ginagawa, again it’s your health and it’s your life,” aniya.
Kaya ang payo ni Arnel sa mga gumagamit ng droga, “I hope hangga’t may time, kung sino yung mga involved, they should stop. Sayang, e.
“I mean, what more could they want sa buhay nila para i-sacrifice nila yung pagtigil sa drugs. I think it’s a small thing from the big picture that they have you know, sa buhay nila,” say ng international singer.
Tinanong si Arnel kung pabor siyang gawing legal sa Pilipinas ang marijuana dahil sa ibang bansa ay gamot na raw ito, “Sa Amerika kasi pag na-base ako du’n, napapanood ko ‘yan, e. Marami nang naitutulong, kasi iba-iba yung species ng marijuana, e.
“Meron ‘yung specie na hindi nakaka-high, yun yung ginagamit para sa mga may sakit. Pero yung mga nakaka-high naman yung sanhi na nagiging psychotic ka, so I think marami pang dapat pag-usapan.
“So, kailangan siguro ng tulong ng science din tsaka ng gobyerno. They should talk about it, mahimay nila. Pero at the end of the day, kung makakatulong talaga sa mga tao lalo na sa mga may sakit, lalo na sa mga epileptic, I think we should legalize it.
“Pero kung ili-legalize ‘yan para lang ma-legalize yung pagiging adik, huwag na lang,” paliwanag ng singer.
At dahil sobrang blessed na ni Arnel ay tinanong naman siya kung paano naman siya mag-give back sa mga taong katulad niya noon na nakaranas ng struggle sa buhay.
“Through my foundation po, APFI (Arnel Pineda Foundation, Inc.), so I have streetkids, ‘yun po ang kine-cater namin. Lumalapit po kami sa mga batang kalye, displaced, mga abused na tumitira na sa kalye at ayaw mag-aral, kino-convince namin sila na ang way out para sa kahirapan ay ang education kaya meron kaming moving school or van.
“We started po five years ago, but before that, we started in America ng 2009, isinara namin iyon at binuksan ko ulit dito sa Philippines. Marami kaming scholars, pero concentrated ako sa Quezon City kasi sa time ko, hindi ko ma-manage kasi half of the year nasa America ako (para sa Journey shows), tapos half of the year nandito ako, tapos may gigs din ako rito, plus time pa with my family.
“Pero I see to it na may medical mission ako, nagpapakain ako ng mga bata, yan ang way of giving back, instead of entering to politics,” kuwento ng singer.
Kaya alam mo na bossing Ervin kung bakit sobrang blessed si Arnel.
Katulad din ng Lucky 7 KOI Productions na kaya sila magpo-produce ng maraming shows tulad nitong “Powerhouse: A Concert Of World-Class Pinoy Performers” sa Oct. 28 sa The Theatre at Solaire ay dahil gusto rin nilang tumulong sa mga nangangailangan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.