Kasal muna bago baby! ayoko na, natuto na ‘ko!- Jennylyn
BULONG ng aming source isa sa pinagpipiliang maging leading man ni Jennylyn Mercado sa My Love From The Star ay isang print and commercial model na nagngangalang Gil Cuerva.
Kung hindi kami nagkakamali ay talent ni Jonas Gaffud ng Mercator si Gil, pero hindi naman daw pumirma ng kontrata ang binata.
“Nag-audition ‘yan si Gil kina direk Joyce (Bernal) kasi siya ang direktor ng My Love From The Star, sa mga executives ng GMA at nandoon din si Jennylyn para makapagbigay ng input.
“Maraming bumoto kay Gil, kasi guwapo naman, chinito at bagay sa kanya ang role kasi hindi naman need ng matinding acting sa karakter niya, di ba? Ano sa tingin n’yo bagay ba siya sa papel na Matteo Do?”
At dahil na-curious kami kung sino si Gil Cuerva ay tsinek namin ang kanyang Facebook account, guwapo nga ito at hawig kay Borgy Manotoc.
Anyway, hindi pa naman daw sure kung si Gil na ang final leading man ni Jen dahil tatlong baguhan ang pinagpipilian ng GMA para sa papel na Matteo Do.
q q q
Nalaman naming walang pelikula ngayong Metro Manila Film Fesival si Jennylyn Mercado dahil hindi na raw nagtugma ang schedule niya sa pelikulang gagawin niya para sa MMFF 2016.
Nanghinayang nga raw ang aktres dahil dalawang taong magkasunod na may entry siya at nanalo pa nga ng best actress sa mga pelikulang “English Only Please” (2014) at “Walang Forever” (2015) na parehong ipinrodyus ng Quantum Films at idinirek ni Dan Villegas.
“May offer naman, kaya lang po nagkaroon ng problema sa schedule dapat kasi sisimulan na namin ‘yung soap sa GMA, e, kaya lang po, na-delay kaya nu’ng time na yun, hindi namin tinanggap ‘yung movie kasi kung magso-soap ako tapos may movie pa, gusto ko naman sanang mag-focus sa soap kasi baka haggard-haggardan na naman ako,” katwiran ng mama ni Alex Jazz nang makausap namin pagkatapos ng presscon para sa bago niyang album na “Ultimate”.
Kinumusta namin kay Jennylyn ang relasyon nila ni Dennis Trillo pero napangiti lang ang aktres.
Sabi namin hindi na nila puwedeng itanggi dahil kalat sa social media ang mga litrato nila ng aktor na kuha sa mga lugar na kanilang pinupuntahan. Ang latest nga ay sa isang resort sa Batangas kung saan sila nag-scuba diving.
“Ay parati ko pong ginagawa ‘yun, clean-up drive yun at first time niyang sumama, di ba, ano ako sa DENR, kasi nililinis namin ang mga dagat, nagpupulot ng mga basura sa ilalim ng tubig. Kahit sina Gerald Anderson nandoon din para naman sa Philippine Coast Guard, nandoon din,” kuwento ng aktres.
Natanong din kung may pelikulang offer sa kanila ni Dennis ay tatanggapin niya, “Oo naman po, for sure hindi ako mahihirapan pagdating sa aktingan, hindi rin ako maiilang kasi nakagawa na kami ng mga soap,” sagot ng aktres.
E, kung si Luis Manzano ang makakatambal niya? “Hindi ko pa po alam, pero professional naman po ako, kaya ko naman siguro ‘yun.”
Hirit uli namin, paano kung pagsana-samahin sila sa isang movie nina Luis, Patrick Garcia at Dennis, “Ay Diyosko po!” natawang sabi ni Jennylyn.
Inamin ni Jen na hindi pa niya uli nakakausap sina Patrick at Luis kaya walang pipiliin si Jen kina Luis at Patrick na makasama sa project dahil hindi pa sila totally okay.
Samantala, sinabi ni Jennylyn na malayo pa sa isipan niya ang pagpapakasal sa edad na 29 dahil gusto pa niyang mag-ipon at paghandaan ang kinabukusan ng anak.
“Siguro po mga six years pa (35 years old na siya sa panahong yun),” kaswal na sabi ng aktres. Sabi namin 43 years old na si Dennis that time pero baby face naman ang aktor.
Pahabol pa ng aktres, “Kasal muna bago baby, ayoko na, natuto na ako.”
Anyway, bongga ang “Ultimate” album ni Jen dahil wala pang 24 oras matapos itong ma-release online ay number one na ito agad sa iTunes. Available na rin ito sa Spotify, Deezer, Spinnr at Amazon.
Magaganda ang tracks sa “Ultimate” album ni Jennylyn tulad ng “Nakaw Tingin”, “Suddenly” (kadueto si Christian Bautista), “Huling Paalam”, “Hagdan”, “Lampara”, “Magkaibang Mundo”, “Bulalakaw” (kasama ang Silent Sanctuary).
May bonus track pa itong Christmas song na may titulong “Nakaraang Pasko” originally sung by Kuh Ledesma at ni-revive rin noon ni Carol Banawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.