OFWs puring-puri si Sylvia sa ‘The Greatest Love’
WALANG mapagsidlan ng tuwa ang buong team ng The Greatest Love at ng GMO (Ginny M. Ocampo) unit sa success ng serye kaya naman kamakailan ay nagkaroon agad sila ng thanksgiving mass.
Pawang positibo naman kasi ang nababasa sa social media tungkol sa TGL at maging ang mga Pinoy sa ibang bansa ay nagagandahan sa serye at talagang inaabangan ang mga eksena nina Sylvia Sanchez, Dimples Romana, Aaron Villaflor, Matt Evans at Andi Eigenmann. Sa litratong nasa kolum na ito, makikitang ang saya-saya ng cast kasama ang co-stars nilang sina Luis Alandy, Joshua Garcia at iba pa mula sa direksyon ni Jeffrey Jeturian.
Nilagyan ni Ibyang ng caption ang nasabing photo ng: “Walang kasing saya ang ina pagnakikita nyang kumpleto ang mga anak nya #TGLFamilyaffair #happiness #grateful #blessed #thankULORD”.
Kuwento pa ng aktres na sa tuwing bubuksan niya ang social media accounts niya ay kaliwa’t kanan ang papuring natatanggap niya mula pa sa mga kababayan nating sa ibang bansa.
“Ang sarap lang sa pakiramdam na may mga pumupuri at bumabati ng ‘congrats’ at ‘yung iba ikukuwento pa nila ‘yung eksenang napanood nila sa araw na ‘yun, nakakatuwa. Masaya ako, kaming lahat ng GMO unit, si Miss Ginny, kung baga sulit ang mga hirap namin, kung alam n’yo lang grabe. Nakakanerbyos.
“Hanggang ngayon naman, kabado pa rin kami kasi siyempre kailangan mong ma-maintain ‘yung show, ‘yung expectations ng tao, so dapat i-maintain mo ‘yun at pataas dapat, hindi pababa,” kuwento ni Ibyang.
Everyday ang taping ng The Greatest Love at madaling araw na siya nakakauwi. Kaya iisa lang ang hiniling niya sa production, “Akin ang araw ng Linggo, kasi family day ko ‘yun. Ito lang kasi ang araw na para sa pamilya ko, kaya ipinakiusap ko na huwag nila akong bigyan ng trabaho ng linggo.”
Kuwento rin ng aktres na bukod sa papuri ng ibang tao sa kanya at sa programa nila ay proud din sa kanya ang mga anak at asawang si Art Atayde, pati na rin ang kanyang in-laws.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.