HANDA na ang Pilipinas at China sa kanilang huling ratsada para maging punong-abala ng 2019 FIBA World Cup sa gagawing presentasyon ngayong hapon sa Prince Park Tower Hotel sa Tokyo, Japan.
Ang dalawang bansa ay magpapakita ng 20-minutong audio-visual presentation sa ganap na alas-4 hanggang alas-5 ng hapon sa Conference Room C sa Basement 2 ng five-star hotel. Ang mga representante ng dalawang bansa ay iimbitahan naman sa isang closed-door, question-and-answer session. Matapos ang nasabing sesyon, mag-uusap naman ang FIBA Central Board para pagbobotohan kung sinong bansa ang magsisilbing host ng prestihiyosong torneo. Ang desisyon ay inaasahang iaanunsyo sa pagitan ng alas-6:30 hanggang alas-6:45 ng gabi.
Dalawang beses namang nagsanay ang Philippine delegation para sa isasagawang audio-visual presentation kahapon na tig-1 1/2 oras sa umaga at hapon. Ang huling pagsasanay ay gagawin ng isang oras ngayong umaga. Pangungunahan ni SBP president Manny V. Pangilinan ang nasabing presentasyon sa pagbibigay ng welcome remarks. Si five-time PBA Coach of the Year Chot Reyes at dating Gilas skipper Jimmy Alapag ay magsasalita din sa nasabing presentasyon. Si Fil-Am actor Lou Diamond Phillips ang magsasara ng presentasyon sa pagbigbigay ng pangako na ang pagsasagawa ng 2019
FIBA World Cup sa Pilipinas ay magbabago sa sport magpakailanman.
Si Sarangani Rep. Manny Pacquiao, na kasama sa 50-man Philippine delegation, ay bumisita rin sa grupo para ibigay ang kanyang suporta sa hangarin ng Pilipinas na magsilbing host ng 2019 FIBA World Cup.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.