KAWALAN ng sustento at isyung pang mag-asawa ang pangunahing problema ng karamihan sa ating mga pamilyang OFW.
Magkaugnay ang dalawang problemang ito. Kung maayos ang relasyong pang mag-asawa, walang magloloko. Kung walang nagloloko, tuloy ang sustento sa pamilya kahit m8agtagal pa ito sa abroad.
Nagsisimulang gumulo ang pamilya kapag nakatagpo ng iba ang OFW sa ibayong dagat. Lalong malaking gulo pag naging seryoso ang relasyon, nagsama at bumuo ng sariling pamilya.
Iyan ang madalas na senaryo sa ibayong dagat. Ang kalungkutan ni mister na OFW, masasapatan naman ng isa pa ring nalulungkot na misis na OFW. Kapag nagkagustuhan, mas madali sa kanila ang magkaroon ng relasyon.
Dahil nasa abroad, malayo sa mata ng mga kakilala. Walang tsismoso’t tsismosa kaya madaling mabuo ang bawal na pag-ibig.
Nagiging madali rin sa kanila na talikuran ang mga kapareha na naiwan sa Pilipinas, lalo na kung may mabigat na rin silang problema bago pa nakapag-abroad.
Iba rin ang sitwasyon kapag ang naiwan sa Pilipinas ang nagloko. Pagdating sa kabuhayan, wala halos itong epekto sa pamilya dahil tuloy pa rin ang suporta ng OFW sa kaniyang mga anak, gayong ang naglokong asawa ng OFW ang siyang kadalasang nang-iiwan sa pamilya.
Kapag ang OFW ang nagloko, mas matindi ang epekto nito sa pamilyang naiwan.
Siyempre magloloko na rin ang kaniyang mga padala. Hindi na ito makapagpapadala ng regular na sustento kaya ang kawawa ang naiwang misis na walang trabaho at may maliliit pang mga anak.
Iyan ang mga reyalidad ng problemang mag-asawa na hindi rin naman maaaring isisi lahat nang dahil sa pag-aabroad. Kahit nga magkasama pa sa iisang bubong, kahit walang nag-aabroad, nangyayari ang pangloloko.
Nabibigyan lamang ng mas matinding atensyon ang pamilyang OFW dahil ang mga opisyal ng pamahalaan mismo ang siyang higit na nababahala at nagsisilbing buhay na saksi sa mga problemang ito.
Tulad na lamang ng patuloy na pagsasagawa ng mga programa ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, sa pangunguna mismo ni Ambassador Grace Princesa kung papaanong matutulungan ang ating mga OFW sa kanilang samut-saring mga problema.
May libreng counseling sila para sa mga mag-asawang nagkakahiwalay. Tulong-solusyon sa mga marital conflict, maging sa parehong OFW na naghihiwalay doon mismo sa UAE.
Bukod sa kasong pang mag-asawa, patuloy din silang nagpapaalala sa mga ama ng tahanan o breadwinner na huwag pabayaan ang kanilang pamilya na naiwan sa Pilipinas.
Salamat dahil may mga nagmamalasakit na opisyal. Sa katotohanan, puwede rin naman nilang hindi na gawin iyon, ngunit pagpapakita lamang na handa silang tumulong sa ating mga kababayan sa lahat ng paraan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.