Nangyari noong 2010, mangyayari ba uli sa 2016?
HINDI naiwasang ipagyabang ni Vice President Jejomar Binay na minsan na niyang tinalo si Mar Roxas sa eleksyon. Ito ay noong maglaban sila sa pagka-bise presidente noong 2010 elections.
Bahagi na ito ng kasaysayan na hindi na mababago kahit kailan ni Roxas, pero hindi nangangahulugan na ganito rin ang mangyayari sa muli nilang paghaharap sa 2016 presidential elections.
Iba ang sitwasyon noong 2010 at sa 2016.
Ngayon kasi ay marami nang nagsalita kaugnay ng korupsyon ni Binay. Ang nagpatotoo pa ng mga ito ay ang mga dating kaalyado ni Binay.
Noong 2010 ay may mga alegasyon na ng korupsyon kay Binay pero hindi ito nabigyan ng pansin at hindi rin masyadong napakinggan si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado.
Parehong tinuligsa nina Roxas at Binay ang nakaupong si Pangulong Gloria Arroyo na ngayon ay naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Iba naman ang mga pangyayaring magaganap sa 2016.
Si Roxas ay kakampi ng Aquino administration kung kailan nakulong si Arroyo na nahaharap sa kasong plunder at graft sa iba’t ibang isyu gaya ng iregularidad sa paggamit ng pondo ng PCSO, NBN-ZTE deal at helicopter scam.
Ngayon ang mga kaalyado ni Arroyo ay nakikita na sa kampo ni Binay.
Mayroon ding mga bali-balita na di malayong magsanib-pwersa rin ang kampo ni Binay at ni Arroyo para sa darating na halalan.
Ang tingin tuloy ng mga miron, kung si Binay ang mananalo ay makalalaya na si Arroyo (hindi natin sinasabing guilty na siya).
Ang isa pang kaibahan, si Roxas ang inendorso ni Aquino at hindi si Binay. Ito ang sinasabing dahilan kung bakit kumalas si Binay sa Gabinete matapos ang limang taon.
Hindi rin maikakaila na tinutuligsa na ni Binay ang Aquino government na dati nitong pinupuri (nung umaasa pa siya na ieendorso ng Pangulo).
Hindi gaya noong 2010, tiyak na hindi na rin magiging kampante si Roxas hanggang hindi natatapos ang bilangan.
Ang paniwala kasi noong 2010, naging kampante si Roxas dahil siya ang nangunguna sa survey kaya hindi niya namalayan ang ginagawa ni Binay.
Maraming pulitiko ang naniniwala na malaki ang epekto ng endorsement ni Aquino kay Roxas gaya ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga.
Si Barzaga ay miyembro ng National Unity Party na isa sa malaking partido sa Kamara de Representantes.
Mataas pa rin ang sa- tisfaction at performance rating ng Pangulo kaya ang mga naniniwala sa kanya ay hindi malayong bumoto kay Roxas.
Sabi ni Barzaga kung hindi man 100 porsyentong bumoto kay Roxas ang 57 porsyento ng mga naniniwala kay Aquino ay malaki pa rin itong tulong para siya ay manalo. Ito ang inaasam ni Binay na hindi niya nakuha.
Bukod pa rito, malaki rin ang makinarya ng Liberal Party na siyang partido ni Aquino.
Kung may kakalas man sa LP tiyak naman na may lilipat din dito mula sa ibang partido.
Ang inaabangan ng lahat ay kung iiwanan ba ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada si Binay na kanyang running mate noong 2010 polls.
Sa isang panayam kay Estrada ay sinabi nito na bukas siya sa posibilidad na suportahan si Roxas na naging miyembro ng kanyang Gabinete.
Marami rin ang nagtaas ng kilay ng hindi pumunta si Estrada sa paglulungsad ng United Nationalist Alliance, ang partido na gagamitin ni Binay sa halalan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.