DALAWANG bagay ang napatunayan ng 27-anyos na si Maricar Camacho nang siya ay nakumbinsing sumali sa 39th MILO Marathon Metro Manila elimination na ginawa sa Mall of Asia sa Pasay City noong Linggo.
Una ay napatunayan niya na may kakayahan siyang kuminang sa 42.195-kilometrong ka- rera at ang pangalawa, na mas mahalaga, ay napatunayan niyang laging nasa likod niya ang asawang si Bimbo.
Ito ang ikalawa pa lamang na full marathon na sinalihan ng tubong Bicol na si Camacho. Ang resulta sa una niyang marathon ay hindi naging kaaya-aya kaya’t ipina- ngako niya sa sarili na paghahandaan niya ng maiigi ang Milo Marathon, na siyang pinakamatanda at pinakaprestihiyosong patakbo sa bansa.
“Halos limang oras ang inabot ko sa pagtakbo kaya’t ayaw ko na talagang maulit iyon,” wika ni Camacho na nananalo sa mga maigsing distansya bukod pa sa mga karerang kinatatampukan ng mga ahon.
Gayunman, ang suportang ibinibigay ni Bimbo ang nagtulak kay Maricar para magpatuloy sa pagsasanay sa mga maahong lugar sa Cavite kung saan sila naninirahan ngayon.
“Lagi ko lang sinasabi sa kanya na kaya niya iyan at kailangan lamang na magtitiwala siya sa sarili,” pahayag ni Bimbo sa kanyang paalala sa asawa.
Sa pagdating ng araw ng karera na suportado ng Timex, Bayview Park Hotel, Asics, Smart, Subaru, Hinsense at Salonpas ay naroroon uli si Bimbo upang agapayan siya dahil isinakripisyo niya ang sarili hangarin nang umakto bilang pacer ni Maricar.
Nagbunga ang pagtutulungan ng mag-asawa dahil nakapagtala si Maricar ng personal best na tatlong oras, 52 minuto at 30 segundo at tumapos sa kagulat-gulat na ikasiyam na puwesto.
Muntik pa nga niyang tinalo ang 1995 national champion na si Liza Delfin na nalagay sa ikawalong puwesto at nakauna lamang ng dalawang segundo kay Camacho sa 3:52:28 tiyempo.
“Hindi ko talaga akalain na makakaya ko ito. Inisip ko na lang ang hirap na dinaanan ko sa training at ang suportang ibinibigay ng asawa ko,” may ngiting sabi pa nito.
Hindi pa rito natapos ang suwerteng inabot ni Camacho dahil pasok din siya sa National Finals matapos lampasan ang qualifying time sa kanyang age group na 4:30.
Alam niya na mga bigatin sa marathon ang mga maglalaban-laban sa National Finals sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga pero tiwala siya na mayroon pang ibubuga sa karera.
“Anuman ang mangyari ay parang nanalo na ako dahil sa nagawa ko. Maraming malalakas sa finals pero tingin ko ay kaya ko pang maka-top ten,” seryosong winika ng determinadong si Camacho.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.