MARAGONDON, Cavite – Narito ako sa lamay ng kaibigan, sa bayang ti-nubuan ni National Police Director General Ricardo Marquez; sinasariwa ang alaala ng taon na ako’y naging pangulo ng Cavite Press Club noong 1981. Hindi sina Grace Llamanzares, Francis Escudero (Bicolano baga si Chiz? Bakit mahirap pa rin ang Sorsogon?) at napakayamang Mar Roxas ang pinag-uusapan sa umpukan ng nagkita-kitang mga Caviteno mula sa Upland, Lowland at abroad, kundi ang LRT 1 Extension sa lalawigan, na maaaring umabot hanggang Dasma, kung magdidilang-anghel si Ayong Maliksi.
Noong magtungo sa Cavite si Pangulong Aquino, ipinangako niya na uumpisahan na ang konstruksyon sa LRT 1 Extension sa 2015. Matatapos na ang Hulyo at kampanya na sa hangalan. Ni isang tabo ng semento ay wala pang naibubuhos. Ang hamon ng butihing anak nina Ninoy at Cory noon ay magpapasagasa siya sa tren kapag hindi nasimulan ang konstruksyon sa 2015. Sige, magpasagasa ka na sa tren, now na, dahil ang sabi ni Joseph Abaya ay nagkaproblema sa bidding (na naman!).
Biro lang naman yun, pakli ng Malacanang. Teka, nagkamali ka ng biniro, o binola, pinagyabangan. Hindi ginagawa yan sa nakaaarok sa kaisipan at damdamin ng tunay na Caviteño. Kung nagpa-patawa ka ay hindi ka naman tulad nina Pugak at Tugak, na ulo pa lang ay tatawa ka na. Sa kasaysayan ni Miong, walang komedyante, dahil ang Caviteño ay barako, tunay na lalaki at matigas ang paninindigan. Tsk-tsk-tsk.
Ang aking paboritong sabungero sa Binangonan, Rizal ay hindi pa natatalo ng malaki sa anumang derby. Maging ang kilalang sabungero sa Cubao ay ito ang pinangigilagang makatunggali sa van-van na cash. Inilalaban ng sabungero sa Binangonan ang kanyang alagang manok. Pero, ayaw ilaban ni Aquino ang kanyang alagang manok, dahil
tyope ito. At ang inilalabang manok ni Aquino ay matandang dumalaga. Aba’y kahit si Cristina Enrile ay hindi pupusta rito!
Ipinagmamalaki ng mga taga-Marigondon (ang taal na tawag sa kanila, at hindi taga-Maragondon) si Director General Marquez. Sa wakas ay meron na namang hepe ang hukbo ng pulisya na Caviteño, bagaman ayon sa kasaysayan, ang apelyidong Marquez ay “mababa” sa Tejeros. Gayunpaman, kung nananalaytay sa kanyang ugat ang dugo ng mandirigma, hindi siya dapat magpaalipin sa malabnaw na tuwid na daan dahil panaginip lamang ang tuwid na daan noong 1896. Ngayon nga,
bangungot na yan.
Tama ang inumpisahan mo: ang kubeta. Malinis ang kubeta ni Miong; kahit na ang antipolo sa Ma-labon ay malinis din naman. Talastasin mo ang lahat ng pulis na nakatalaga kontra droga. Alisin mo silang lahat diyan at italaga sa Mamasapano at iba pang bayan sa Maguindanao. Italaga mo ngayon ang lahat, maging mga aplikante, ng SAF sa kontra droga. Kapag ginawa mo yan, igagalang ka ng lahat ng Caviteño. O kundi’y um-pisahan mo sa Cavite.
Tapos na ang dalawang balangkas ng demanda ng mga retiradong huwes laban kay Aquino. Kasong kriminal ang mga ito. Isa- sampa ito pagbaba niya sa puwesto. Meron pang mga demanda na inihahanda ang ibang kampo. Ito na ang kinatatakutan ni Aquino, ang umulan ng demandang walang piyansa. Hindi kayang salagin ang mga ito ni Roxas. Si Jejomar Binay lang, na kanyang inaway. Pero, maninikluhod din naman daw si Kris kay Jojo (kung mananalo si Jojo).
Hindi tiyak na masasaklolohan ni Llamanzares si Aquino sa mga kaso. Dahil si Llamanzares ay babagsakan ng disqualification cases. Bahagi ng detalye ay ang pasasabugin ng isang Liberal na noong MTRCB chairman ang ampon/pulot ay Kano pa siya. Ang Liberal na ito ay lilipat na kasi, at iiwanan na ang barko ng tuwid na daan.
MULA sa bayan (0906-5709843): Nakatatakot ang political dynasty. Ano kaya ang mangyayari sa Pilipinas kung manalong presidente si VP Binay; Senate president, Binay; Speaker of the House, Binay; pangulo ng mayors’ league, Binay. Palitan na lang ang pangalan ng bansa na Republic of Binays. Dods Pande, 54, Tacurong City, Sultan Kudarat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.