Nadakip ang isang lider ng New People’s Army (NPA) at misis nito nang magsagawa ng operasyon ang mga awtoridad sa Quezon City at Bulacan kamakalawa (Lunes), ayon sa militar.
Unang nadakip si Ernesto Lorenzo sa Gilmore Commercial Plaza ng Quezon City dakong alas-12:15 ng tanghali, sabi ni Lieutenant Colonel Noel Detoyato, public affairs chief ng Armed Forces.
Dinampot ng mga pulis at sundalo si Lorenzo sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong destructive arson, na inisyu ni Lucena City Branch 66 Judge Dennis Pastrana noong Hulyo 2010, ani Detoyato.
Si Lorenzo ay kasalukuyang “first deputy secretary” ng NPA sa Southern Tagalog, miyembro ng executive committee sa naturang rehiyon, at pinuno ng regional organization department, ani Detoyato.
Dati ring nagsilbi si Lorenzo bilang sekretarya ng mga komiteng probinsiyal sa Quezon at Laguna, anang military official.
Pasado alas-2 naman ng hapon ay nadakip ng mga pulis at sundalo ang misis ni Lorenzo na si Joyce Felicia Latayan sa bahay ng mag-asawa sa Silver st., Pecson Ville Subdivision, ng Brgy. Tungkong Mangga, San Jose del Monte City, Bulacan.
Dinakip si Latayan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu naman ni Judge Rodolfo Obnamia Jr., ng Regional Trial Court Branch 64 sa Mauban, Quezon, noong Setyembre 2008, ani Detoyato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.