Donaire asinta ang title shot vs Quigg
IKINASA ni Nonito Donaire Jr. ang sarili sa posibleng title shot laban kay World Boxing Association (WBA) champion Scott Quigg ng Great Britain matapos niyang patumbahin si Anthony Settoul ng France sa ikalawang round ng kanilang 10-round non-title fight Sabado ng gabi sa Cotai Arena ng The Venetian Macao sa Macau, China.
Hinamon ni Donaire si Quigg matapos na patulugin ng Briton si Kiko Martinez sa sa ikalawang round ng kanilang super bantamweight title showdown sa Manchester Arena sa England.
Hindi binigyan ng tinaguriang “Filipino Flash,” na nakalasap ng mga masakit na pagkatalo buhat kina Guillermo Rigondeaux ng Cuba at Nicholas Walters ng Jamaica noong isang taon, si Settoul ng pagkakataon na makabangon sa kanilang laban para itala ang kumbinsidong panalo.
Pinabagsak ni Donaire ang Frenchman, na lumaban sa labas ng Europe sa unang pagkakataon, ng dalawang beses sa unang round at sa 2:41 marka ng ikalawang round.
Inaasinta rin ni Quigg ang sagupaan kay Donaire at inaasahan na sisimulan na rin niya ang pakikipag-usap sa kampo ng Pinoy boxer.
Nang tanungin tungkol sa kanyang susunod na plano matapos ang kanyang technical knockout panalo kay Settoul, sinabi ni Donaire na puntirya niya ang super bantamweight title.
“Hopefully a title shot,” sabi ni Donaire, na isang four-division world champion. “You know me, I will fight the biggest guy, the fastest guy, the strongest guy (out there).”
Si Donaire ay umangat sa 35-3-0 record kabilang ang 23 knockouts habang si Settoul ay bumagsak sa 20-4-0 karta.
“Thank you for all your support guys, for your love to your fellow Filipino,” sabi pa ng 32-anyos na 2012 Fighter of the Year na tinatahak ang pagbangon ng kanyang boxing career matapos ang sixth-round knockout sa kamay ni Walters.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.