SA halos pitong buwan na walang hepe ang Philippine National Police, sa wakas ay nagdesisyon na rin si Pangulong Aquino na humirang ng bagong pinuno na tuluyang papalit sa nagbitiw na si Alan Purisima.
Itinalaga ni Ginoong Aquino si Police Director Ricardo Marquez bilang bagong chief PNP.
Dating pinuno ng Directorate for Operations, si Marquez nga-yon ang siyang mamumuno sa halos 160,000 kabuuang puwersa ng kapulisan sa bansa.
Nitong nakaraang Lunes, kasama si Interior Sec. Mar Roxas, nakipagkita si Marquez sa Malacanang kay G. Aquino para sa kanyang appointment.
Bukod sa papuri ng mag-reretirong Officer-in-charge ng PNP na si Deputy Director General Leonardo Espina, umani rin ng suporta hindi lang sa kanyang mga kasamahang pulis ang pagkakatalaga kay Marquez, kundi maging sa mga miyembro ng Kamara at Senado.
Maaaring isang karangalan at malaking tagumpay nga sa isang pulis ang maging hepe ng Pambansang Pulisya, pero hindi naman biro ang responsibilidad na kaakibat nito.
At ang responsibilidad na ito ay hindi lamang sa kanyang pinamumunuan kundi higit sa lahat sa publikong kanyang pinagsisilbihan.
Isang malaking hamon ang maging pinuno ng PNP, lalo pa’t hindi maitatanggi na marami itong problemang kinakaharap ngayon na dapat solusyunan, bunga na rin ng ginawang ma-ling pamamalakad ng dating hepe ng PNP na si Purisima.
Sa pag-upong ito ni Marquez, unang-una nang dapat tugunan ni Marquez ngayon ay ang sinasabing low morale ng mga kapwa niya pulis.
Inaasahan din ng mga pulis ang gagawin niyang pagpapatupad ng tamang pagbibigay ng mga merito at tuluyang alisin ang nakagisnang “bata-bata
system”.
Umaasa rin ang bayan na tutugunan ni Marquez ang problema ng kriminalidad — ang patuloy na problema sa “riding-in-tandem” na kriminal, akyat bahay gang, hulidap, kotong cops, kidnapping, carnapping, gambling at ang malalang problema sa droga.
Nakayanan ng pulisya na maging matahimik at maayos ang ilang bahagi ng bansa noong pagbisita ni Pope Francis nitong Enero, inaasahang kaya rin nitong maging maayos at ligtas ang gagawing Asia Pacific Economic Conference (APEC) summit sa Nobyembre.
Ang pinakamalaking hamon na kakaharapin ngayon ni Marquez hanggang sa isang taon ay ang 2016 presidential elections.
Aasa ang sambayanan an kayang pangalagaan ng PNP sa ilalim ng kanyang liderato ang kanilang boto.
Magtitiwala sila sa kanyang kamay na ang PNP ay hindi maiimpluwensiyahan ng anomang political party, at hindi padidikta kanino man. Kailangan matiyak ni Marquez na ang darating na halalan, sa pangangalaga ng PNP, ay magiging tapat, malinis, tahimik at may kredibilidad.
Kung kayang gawin ni Marquez ang mga ito, maaaring makabawi ang PNP lalo na sa hindi naging magandang imahe nito sa ilalim ng pamumuno ni Purisima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.