NANG una kong makilala si Ricardo Marquez, bagong hirang na chief ng Philippine National Police (PNP), ang tingin ko sa kanya ay siya’y humble o mapagkumbaba.
Nagkita kami ni Marquez sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 mga dalawang taon na ang nakararaan. Papunta ako sa Puerto Princesa City at siya naman ay patungong Cebu City.
It was a chance meeting. I was having a quick dinner bago sumakay ng aking eroplano at siya naman ay kumakain din ng kanyang hapunan.
Nakatindig kami habang kumakain sa isang restaurant na may mga lamesa na walang upuan sa labas.
Nagpakilala siya sa inyong lingkod at napag-alaman ko na siya’y isang police chief superintendent (brigadier general sa Army) at nakatalaga sa Camp Crame .
Siya’y graduate ng Philippine Military Academy (PMA).
Ang mga heneral ng military at PNP ay may mga kasamang alalay, pero walang alalay si Marquez.
Maikli lang ang aming pag-uusap dahil nagmamadali siyang umalis upang habulin ang kanyang eroplano dahil boarding na.
Sa maikling pakikipag-usap kay Marquez, iniwan niya sa akin ang impression na siya’y isang mapagkumbabang mataas na opisyal ng PNP.
Batay sa mga reports tungkol sa kanyang appointment bilang bagong PNP chief, napag-alaman ko na si Marquez ay nagtamo ng maraming medalya, siya’y isang good follower at magaling na lider.
Maraming humirang sa kanya na kanyang kasamahan.
Pero ang pinakamagaling na papuri ay nanggaling kay dating Sen. Panfilo Lacson, na nagsabi na si Marquez ay kanyang intelligence officer noong siya’y police o PC commander ng Laguna noong 1992.
“I’ve always known him to be a professional officer. He is competent and I am confident that he can handle the PNP very well,” ani Lacson, na PNP chief noong panahon ng administrasyon ng Pangulong Erap.
Si Lacson ay bihirang magbigay ng papuri.
Sana’y kagaya ni Marquez ang dati nakakataas sa kanya sa PNP na hindi nangonsente ng mga abusadong pulis: Deputy Director General Leonardo Espina, acting PNP chief na magreretiro na ngayong araw; Deputy Director General Mar Garbo, PNP deputy chief for operations; at Director Carmelo Valmoria, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na magreretiro rin sa linggong ito.
Sina Espina, Garbo at Valmoria, pawang mga disciplinarians, ay nagsuspende o nagdismiss ng mga abusadong pulis dahil idinulog ng aking public service program sa radyo, “Isumbong mo kay Tulfo,” sa kanila.
Sana’y magpatuloy ang partnership ng PNP sa ilalim ni Marquez sa “Isumbong” at iba pang public service program sa radyo at TV upang mapatalsik o masuspende ang mga pulis na nang-aapi ng mga sibilyan.
Kung mamarapatin ni Marquez, ito’y isang buena manong sumbong sa kanya laban sa isang diumano’y abusadong pulis:
Si Richard Moon, isang Korean resident, at ang kanyang Pinay na maybahay na si Ethel Moon, ay may hidwaan sa kanilang business partners sa manning agency tungkol sa pera.
Ang kanilang business partners, na batikan sa pamamaraan ng ating hustisya sa bansa, ay nagsampa ng kasong criminal sa Manila Prosecutor’s Office.
Nagtaka ang mag-asawang Moon dahil sila yung naagrabiyado at sila sana ang dapat nagsampa ng kasong criminal sa mga taong kalaban nila.
Isang kamag-anak ni Ethel, si Senior Supt. Jerry Valeroso ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang nag-volunteer na “ayusin” ang kaso sa fiscal’s office.
Humingi ng P700,000 si Valeroso sa mag-asawa upang ibigay daw sa piskal na humahawak ng preliminary investigation.
Pero naisampa rin ang kasong criminal laban sa mga Moon kahit na sinabi ni Valeroso na inayos na niya ang piskal.
Naturalmente, gustong bawiin ng mga Moon ang pera.
Pero alam ba ninyo ang ginawa ni Valeroso?
Sinampahan niya ng kaso ang mag-asawa dahil ang sabi niya, inutusan siya ng mga Moon na patayin ang kanilang kalaban sa kumpanya at binigyan siya ng P700,000.
Susmaryosep, Valeroso!
Kung pinagagawa ka man ng masama ng mag-asawang Moon, bakit di mo sila inaresto nang sila’y lumapit sa iyo at inutusan kang pumatay ng mga tao?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.