ILANG beses na bang nangyari na umalis ng bahay ang mga estudyante kahit umuulan tapos ay uuwi lamang dahil suspindido na pala ang mga klase? Paulit-ulit na lamang.
Nitong Martes, Hulyo 8, ganito na naman ang nangyari. Walang storm signal na ipinalabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (Pagasa) sa kanilang alas-5 ng umagang weather bulletin. Malayo raw ang bagyo kayat walang otomatikong suspension. Pero, nagbabala sila sa southwest monsoon o hanging habagat na magdadala ng “light to moderate rains and thunderstorms” sa Metro Manila.
Dahil naging maulan, maraming lugar ang binaha. Nagsuspinde ng klase ang mga mayor ng Pateros at Malabon bago pa mag-alas-5. Iyong ibang alkalde ng Metro Manila, natulog sa pansitan. Nakapasok na ang mga bata sa eskwela saka nag-anunsyo ng suspension ng klase.
Sa ilalim ng Executive Order 66, ang suspensyon ng mga klaseng pang-umaga ay dapat i-hayag ng mayor bago mag-alas-5 ng madaling araw. Ito’y para bigyang babala ang mga magulang na huwag nang papasukin sa klase ang kanilang mga anak. Para naman sa pang-hapong klase, ang announcement ng mga mayor ay hindi dapat lalampas ng alas 11:00 ng umaga.
Pero, ano bang ginawa ng mga mayor natin? Halos alas-7 na ng umaga nang naisipang magsuspinde ng klase sa umaga at pang-hapon. Iyong mga batang nakapasok na sa eskwela, nabasa ng ulan at ang iba ay nag-iyakan dahil wala silang sundo.
Iyong ibang mayor, makakapal din ang mukha, pinangatawanang atrasado nilang anunsyo at sa halip ay sinuspinde na lang ang mga klase sa pang-hapon. Nag-unahan pa bago ang 11am deadline.
Pati Malacanang, sablay din dahil bandang hapon na rin nang mag-anunsyo na walang pasok ang buong Metro Manila pati ang mga government offices.
Sa totoo lang, itong suspensyon ng mga klase ay sukatan ng mga botante sa nalalapit na halalan partikular sa kapabilidad ng alkalde. Ang dapat mangyari, nakatutok ang mga local disaster officials upang bantayan ang mga developments ng bagyo o habagat at gisingin si mayor sa maagang desisyon.
Simple lang naman ang hinihingi ng taumbayan, maagang anunsyo para di maulanan at mabaha ang mga batang mag-aaral. Ang anunsyo na dapat bago mag-alas-4:30 ng umaga at alas-11 ng umaga para sa hapong klase ay nakabatay sa batas na pinirmahan ni Pangulong Aquino.
Kung hindi ito magagawa ng mga mayor at hindi naman madisiplina ng DILG at ng Malacanang, mabuti pang ibasura na lamang sa baha ang Executive Order 66 tutal wala naman pala itong silbi!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.