Modernong Lola Basyang ng TV5 patok na patok sa mga bagets
Sinadya naming abangan ang unang sultada ng Lola Basyang.com, ang bagong fanta-serye ng TV5, mula sa magkahawak-kamay na pagtatrabaho nina Direk Jun Lana at Sir Perci M. Intalan ang palabas.
Sa mga teaser pa lang kasi ng Lola Basyang.com ay nang-iimbita nang manood ang mga eksena, gusto naming ipanood ‘yun sa aming mga anak at apo, kaya inilaan namin ang Sabado nang gabi para sa programa.
Modernong Lola Basyang si Ms. Boots Anson Roa, kakontemporaryo niya ang panahon, techie ang lolang nagkukuwento dahil tutok na tutok siya sa social media.
Sa mga unang eksena pa lang ng Lola Basyang.com tungkol sa modernong pagtatawid ng klasikong alamat ni Maryang Makiling ay nakanganga na ang aming mga apo.
Bakit nga hindi? Bukod sa napaka-glossy nitong kulay ay makaagaw-pansin ang kanilang mga visual effects.
Sa pag-uusap pa lang ng malaking ahas at ni Rodjun Cruz, hanggang sa ang ahas ay biglang naging si Jasmine Curtis na, ay hawak na sa leeg ng palabas ang mga bata.
Nang sunugin si Tomas (ginampanan ni Carlos Agassi) dahil sa pagnanakaw nito ng libro ay kitang-kita namin ang pagpapalakpakan ng mga bata, buhay na rin sa kanilang kamalayan ang paghihiganti, dapat talagang pinarurusahan ang mga gumagawa ng mali at iniaangat ang mga nagpapalaganap ng tama.
Bitin ang palabas. Gusto pa ng mga bata ay tapos na ang klasikong kuwento ni Maryang Makiling na may modernong atake.
Pero maganda ang aming narinig, may mga susunod pang kuwento si Lola Basyang, tututok daw sila uli.
Isang mahigpit na yakap ng pagbati kina Direk Jun Lana, Sir PMI, sa anak-anakan naming si Omar Sortijas na matagal naming naging EP sa mga programa ng TV5, at sa bumubuo ng The IdeaFirst Company sa pamumuno nina Direk Jun at Sir Perci.
Mabuhay kayo!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.