Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. San Miguel Beer vs Rain Or Shine
(Game 2, best-of-five semifinals)
NAIS ng Rain or Shine na ulitin ang magandang simula subalit umiwas sa pagtukod sa dulo sa hangaring makaganti sa San Miguel Beer sa Game Two ng best-of-five semifinal round ng 2015 PBA Governors’ Cup mamayang alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sinayang ng Elasto Painters ang malaking 24-puntos na kalamangan at hinayaang makabalik ang Beermen upang manalo, 101-95, sa Game One noong Huwebes.
Halos pulido ang opensa ng Elasto Painters na nagposte ng 43-19 abante bago kinuha ang halftime, 60-46.
Subalit nakasagot ang San Miguel Beer sa third quarter at nakalamang, 80-79, papasok sa fourth quarter.
Nagbida para sa Beermen ang point guard na si Alex Cabagnot na nagtapos ng mayroong 15 puntos, walong assists at limang rebounds. Katunayan, si Cabagnot ang nagbigay ng abante sa Beermen nang wakasan niya ang third quarter sa pamamagitan ng three-point shot.
Sinabi ni San Miguel Beer coach Leovino Austria na team effort ang naging dahilan ng tagumpay na aniya’y ‘unbelievable.’
Nakatulong ni Cabagnot sa second half sina Arwind Santos, June Mar Fajardo, Marcio Lassiter at import Arizona Reid.
Sina Lassiter at Reid ay kapwa gumawa ng tig-22 puntos para sa San Miguel Beer samantalang nagdagdag ng 20 puntos si Fajardo. Si Santos ay nagtala ng 13 puntos.
Malaking dagok para sa Rain or Shine ang pangyayaring natawagan ng flagrant foul ang import na si Wendell McKines kontra Ronald Tubid may isang minuto ang nalalabi sa third quarter. Kinailangan niyang umupo ng tatlong minuto habang ipinagpatuloy ng San Miguel Beer ang pagragasa.
Pinangunahan ni McKines ang lahat ng scorers nang gumawa siya ng 33 puntos. Nag-ambag ng 19 puntos si Paul Lee para sa Rain or Shine.
Umaasa si coach Joseller “Yeng” Guiao na mauulit ng Elasto Painters ang kanilang magandang performance at hindi na madidiskaril sa dulo.
Kabilang sa mga ibang sinasandigan ni Guiao sina Gabe Norwood, Beau Belga, Raymond Almazan, Jeff Chan at Chris Tiu.
Kapwa hangad ng Ran or Shine at San Miguel Beer na makarating sa Finals sa ikalawang pagkakataon sa season na ito.
Ang Elasto Painters ay sumegunda sa Talk ‘N Text sa nakaraang Commissioner’s Cup samantalang nagkampeon naman sa Philippine Cup ang Beermen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.