47 na ang patay sa paglubog ng bangka sa Ormoc
Umabot na sa 47 ang bilang ng mga nasawi sa pagtaob ng ferry sa bahagi ng dagat na malapit sa Ormoc City, ayon sa mga awtoridad.
“As of 4 p.m., 47 were confirmed dead and we are still looking for four missing or unaccounted. There are 141 survivors, may isa kasing bumalik, na noong una hindi siya naisama sa list,” sabi ni Ciriaco Tolibao, disaster risk reduction and management officer ng Ormoc.
Mayroon pang nawawala kaya pinalusong ang mga diver sa dagat at pinahila palapit sa pampang ang M/B Kim Nirvana, ayon sa ulat ng Coast Guard at AFP Central Command (Centcom).
Naitala ang 141 survivors mula sa ferry dakong ala-1 ng hapon, sabi ni Cmdr. Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard.
Bago ito, lumusong ang mga diver ng Naval Special Operations Unit kahapon ng umaga para alamin ang sitwasyon sa tubig at kung paano ililigtas ang mga tao na maaaring naipit sa ilalim ng ferry, sabi ni Lt. Cdr. Jim Aris Alagao, tagapagsalita ng AFP Centcom.
Sinundan iyon ng paglusong ng mga diver ng Army, habang nakaantabay ang mga diver ng Navy, Coast Guard, at Ormoc local government.
Unang itinuon ng mga awtoridad ang paghahanap sa ilalim ng ferry dahil sa paniniwalang may mga naipit matapos ang biglang pagtaob ng bangka dahil sa lalaking alon, sabi ni Seaman 2nd Jomar Mejong, ng Coast Guard District Eastern Visayas.
“Ang paniniwala kasi, baka may air pockets, so baka may mga humihinga dun sa mga air pockets. Kaya nag-dive para hindi malagay sa alanganin ang kalagayan nila,” ani Alagao.
Pero pagsapit ng hapon ay itinigil ang diving dahil nagkalat sa tubig ang mga “debris” o nagkahiwa-hiwalay na parte ng bangka na maaring magdulot ng panganib sa mga diver, sabi naman ni Lt. Cdr. Jemuel Angdason, commander ng Navy patrol gunboat na umiikot sa M/B Kim Nirvana.
Habang isinusulat ang istoryang ito’y inihahanda ang paghila sa ferry palapit sa pampang para muling itayo gamit ang isang crane, ani Angdason.
“We are now trying to lift M/B Kim Nirvana, i-drag siya palapit sa port, where there will be crane to lift it. Tinalian na ng rope,” sabi naman ni Tolibao. (John Roson)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.