TIYAK na iinit ang bunbunan ng Pangulo kapag nalaman nya na ginagamit ng isang retired police general ang kanyang pangalan para makaraket ng mga proyekto sa mismong loob ng gobyerno.
Palibhasa’y dating sikat at malapit sa administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino, nagpatuloy ang impluwensyang ito hanggang sa kasalukuyang administrasyon.
Hindi naman talaga matatawaran ang loyalty ni Mr. Retired General na nagsilbi ring defender sa sangkatutak na kudeta na pinagdaanan ng Cory Administration.
Ngayong tapos na ang kanyang makulay na buhay bilang isang matikas na alagad ng batas, raket naman gamit ang impluwensya sa gobyerno ang bago niyang pinagkakaabalahan.
Imbes na humingi ng pwesto sa pamahalaan, siya ang nagpapasok ng mga kontratista sa mga infrastructure projects, siyempre, if the price is right.
Pero bago makakuha ng project, kailangan ng goodwill money kapalit ng bawat proyekto na
ipinapasok sa Public Works Department.
Hindi basta-basta ang mga nilalapitan niyang kontratista dahil puro “Triple A” contractor lang ang pasok sa kanyang listahan dahil mas madali raw ikuha ng proyekto ang mga kabilang sa karakas na ito.
Dahil isinasangkalan niya ang pangalan ng Pangulo kaya madali niyang nakukuha ang tiwala ng mga mahuhusay na kontratista.
Kamakailan ay si-nubukan din ng dating heneral na ito na bumili ng blocktime spot sa isang radio station.
Ginamit niya ang radio show para muling palutangin sa publiko ang kanyang pangalan dahil nagsawa na siya sa pagpo-produce ng pelikula na ang tema naman ay ang sarili din niyang kasaysayan.
Okay ang takbo ng show sa mga unang buwan pero kalaunan ay bigla na lang no-show itong si General hanggang sa tinakasan na niya ang halos ay kalahating milyong pisong bayad sa airtime.
Kaya pala kinapos si General ay dahil nagamit sa pulitika ang kanyang itinatagong kayamanan.
Tumakbo kasi bilang congresswoman sa isang lungsod sa Metro Manila ang kanyang “other woman” pero ito ay inalat at natalo sa halalan.
Marami rin sa kanyang mga dating partners na kontratista ang nag-atrasan na dahil sa sobrang gulang sa pera ng dating general.
Di naman nila maituloy ang kasong balak nilang isampa sa dating opisyal dahil baka mapabilang lamang sila sa mahabang listahan ng mga biktima ng karahasan ng dating police officer na ito.
Ang dating sikat na police official na ginagamit ang pangalan ng pangulo sa kanyang mga raket at money-making scheme ay si General M.R….as in Mini Rambo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.