NGAYONG tapos na ang kampanya sa PBA D-League ay pagsisikapan ng Hapee na makuha ang minimithi na makapasok sa PBA.
Sa panayam sa may-ari ng Hapee na si Dr. Cecilio Pedro, sinabi niya na nakatakda na silang sumulat ng letter of intent sa PBA upang malaman kung ano ang mga kakailanganin para mapabilang sa pro league.
“Now that the PBA D-League finals is over, we will now focus on the PBA. We will file our letter of intent and we will take it from there,” wika ni Pedro.
Nauna nang sinabi ni Pedro ang pagnanais na magdala ng ilang manlalaro sa kasalukuyang koponan para maging core players.
“Hindi natin alam ang gusto ng PBA. But we’re looking at all possibilities para makapasok sa PBA,” dagdag pa nito.
Kasama rito ang pagbili ng isang prangkisa upang maging miyembro agad sa pro league.
Dalawang conferences ang sinalihan ng Hapee sa PBA D-League at nagkampeon sila sa Aspirants’ Cup bago pumangalawa sa Foundation Cup.
Umabot sa deciding Game Three ang finals series ng Hapee at Café France at pinalad ang Bakers na naitala ang 56-55 panalo nang naipasok ni Rodrigue Ebondo ang buslo sa huling 1.2 segundo ng labanan.
Natalo man ay pinuri ni Pedro ang kanilang manlalaro na todo-bigay at nakasabay pa sa Bakers kahit walong manlalaro lamang ang nagamit dahil hindi na nila pinaglaro ang mga San Beda players.
“Marami ng injuries ang mga San Beda players and because I also want them to win the NCAA title, we decided to keep them safe by keeping them out for this game. Surprisingly, kahit walo lang ang players, lumaban pa rin and that is what we want to project at Hapee,” sabi pa ni Pedro.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.