World Premieres Film Festival umaariba sa Pinas
MATAGUMPAY ang ginanap na premiere nights ng mga pelikulang kalahok sa Main Competition ng World Premieres Film Festival na gaganapin dito sa Pilipinas simula sa June 29 hanggang July 7.
Limang entry na ang nagkaroon ng Gala Premiere na nagsimula noong June 25, ito ang mga pelikulang “The End Of Love” (Taiwan, ni Li-Da Hsu), “The Territory” (Russia, directed by Aleksandr Melnik), “Son Of Mine” (Netherlands, directed by Remy van Heugten), “Filosogi Kopi” (Indonesia, directed by Angga Sasongko), at “Crimean” (Turkey, ni BurakCem Arliel).
Ngayong araw naman ang premiere night (free admission) ng dalawang kalahok sa Main Competition category, ang “Three Lies” (Spain, sa direksiyon ni Ana Murugarren) sa ganap na 5 p.m. at ang “Sonata For Cello” (Spain, directed by Anna Bofarull), 7:30 p.m.. sa SM Mall Of Asia cinema 6.
Maglalaban-laban ang pitong entries sa dalawang major awards, ang Grand Festival Prize at Grand Jury Prize. Bukod dito, kaabang-abang din kung sinu-sino ang magwawagi sa mga kategoryang Best Performance by an Actor, Best Performance by an Actress, Best Artistic Contribution, Technical Grand Prize, at Best Ensemble Performance.
Ginanap ang opening ceremonies ng World Premieres Film Festival-Philippines kamakailan sa One Esplanade kung saan ipinakita ang trailer ng bawat kalahok na pelikula – sa Filipino New Cinema section at sa Main Competition films (foreign filmmakers).
Magsisimula ang regular screening schedule ng mga entry simula sa June 29 at tatagal hanggang July 27 (regular cinema tickets).
Ang The World Premieres filmfest ay naisakatuparan sa tulong ng Film Development Council sa pakikipagtulungan ng SM Cinemas at Philippine Daily Inquirer.
Ipinagdiriwang ng WPFF ang power at magic ng mga pelikula sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga obra ng mga kilala at baguhang film director mula sa iba’t ibang lugar ng mundo.
Kaya naman iniimbitahan ng WPFF ang lahat na manood ng mga pilin-piling pelikula mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Para naman sa mga interesadong mapanood ang walong participating Pinoy films sa Filipino New Cinema category, ngayong araw ang gala premiere ng “Of Sinners And Saints” ni Ruben Maria Soriquez, 8 p.m. sa SM North Edsa cinema 2; at ng “Ang Kuwento Nating Dalawa” ni Nestor Abrogena, 5 p.m. sa SM North Edsa cinema 2.
Ngayong gabi rin ang premiere night ng “Filemon Mamon” ni Will Fredo, 7 p.m. sa SM North Edsa cinema 3.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.