PINAGLALARUAN na lang ni Jejomar Binay si Benigno Aquino Tres, kung palilikutin lang ang pag-iisip. Malalim ang pahiwatig ni Binay sa kanyang sinabing: “Basta umaasa ako na hanggang sa huling sandali, hanggang sa araw ng halalan, makokonsidera ako. Mayroon namang suportang patalikod,” sabay ngiti at tawa ng halinghing ng matandang kabayo.
Parang sinabi na rin ni Binay kay Antonio Trillones na sa bandang huli ay susuportahan mo na “ako” dahil kapag nanalong pangulo si Binay, ang kapangyarihang hawak nito ang siyang makapipigil para bumagsak sa Quezon City Jail si Aquino at sa Caloocan City Jail si Trillones (o sige na nga, Trillanes na kung Trillanes. Trillones na kasi ang budget ng bansa). Dahil hindi mga abogado sina Aquino at Trillanes, lalaruin lang sila ng abogado kung ang pag-uusapan ay asunto.
Ganito rin ang nangyari nang magsalita si Abigail Binay hinggil sa estado ni Llamanzares. Sinabi ni Abigail na tanging ang korte lamang ang makapaglilinaw sa tunay na estado ng ampon. Tumahimik na si Grace. Para sa abogadong si Raymond Fortun, katapatan na lang ang kanyang inaasahan kay Llamanzares dahil base sa kanya (Llamanzares) mismong dokumento, hindi siya kuwapikado.
Simula nang isulat natin na hindi uubra ang DDS ni Rodrigo Duterte sa Abra, dalawang texter (…7446 at …4311) ang sumang-ayon. Para kay …7446, hindi uubra ang DDS ni Duterte, o mismong si Duterte, sa San Carlos City, Pangasinan. Walang gaanong napapabalitang mararahas na patayan sa San Carlos City dahil ang mismong mga media roon ay hindi na ito inihahayag. Basta ang kaganapan ay ang last trip palabas ng lungsod ay alas-5 ng hapon. Maraming lihim ang dilim ng gabi.
Para sa texter na …4311, hindi uubra ang DDS ni Duterte sa anumang bayan sa Ilocos Norte. Hindi excited ang Ilocos Norte sa pamamalakad ni Duterte at hindi rin nila kailangan si Duterte bilang pangulo ng bansa. Wala rin silang nakikitang pag-asa kay Duterte dahil guminhawa na ang kanilang buhay sa kalinga ng mga Marcos. Sinlalim ng 100 kilometro ang ugat ng mga Marcos sa Ilocos Norte.
Tanging si Tito Sotto lang ang may bayag sa Senado (teka, hindi, kailanman, malaswa ang salitang bayag, dahil ipinagsigawan na iyan ni Teodoro Bacani sa Camp Aguinaldo habang nakikinig sa kanyang pandudusta si CoCoA, o Corazon Cojuangco Aquino. Kung walang bayag si Adan ay hindi mabubuntis si Eva at di magkakaroon ng mga tao sa mundo). Siya lang, hanggang ngayon, ang nagpipilit na ibalik ang bitay. Laos na ang kasi ang argumento na nakapipigil ng kahindik-hindik na mga krimen ang bitay. Sa Saudi, halos linggu-linggo ay may pinupugutan ng ulo sa kalye; at patuloy na tumataas ang malalaking krimen.
Nagbalik na naman ang robbery-snatching sa Magallanes at Pasong Tamo corner EDSA, Makati nitong dalawang araw na bumuhos ang ulan. Iyan ang problema kapag ang pulis ay hindi tumutulong sa mayor.
Iyan din ang problema kapag sa hanay ng mga pulis ay may bata-bata, intriga’t inggitan. Bahala na sa kanilang sarili ang mga nagtatrabaho sa Makati. Dapat maninturon na si Mayor Junjun Binay.
Ngayon ay kapistahan ng Sacred Heart of Jesus (ang pambansang dambana ay nasa Makati) at bukas ay kapistahan ng Immaculate Heart of Mary (ang dambana ay nasa Cubao, Quezon City). Dalawang magkasunod na kapistahan ng mga puso nina Jesus at Maria. Malaking kapistahan ito para sa mga practicing Catholics kaya ipanalangin natin na lumambot na sana ang matitigas na puso ng mga magnanakaw na kongresista na malapit na tayong ibenta sa demonyo.
MULA sa bayan (0906-5709843): Kung magiging tapat at masipag lang sana ang mga opisyal dito sa Tacurong City, magiging magaan ang buhay ng mahihirap, lalo na ang mga walang backer. Hindi nakapagtataka na dumami ang malnourish na mga bata. …9041
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.