HINDI nagpabaya ang national boxing team nang kumuha sila ng limang gintong medalya para tulungan ang Pilipinas na umakyat na sa ikalimang puwesto sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore.
Nanguna sa matagumpay na kampanya sina Mario Fernandez at Eumir Marcial nang kumulekta sila ng knockout panalo upang patunayan na palaban ang ipinadalang 10 boxers ng ABAP.
Bago ito ay nagkaroon pa ng kontrobersya ang delegasyon nang ianunsyo na hindi kasama sina Olympian Mark Anthony Barriga at Asian Games veteran Charly Suarez dahil lalaban ang mga ito sa AIBA Pro Boxing.
May 2:15 sa second round natapos ang laban ni Fernandez kay Tanes Ongjunta ng Thailand para sa ginto sa men’s bantamweight habang si Marcial ay umani ng second round knockout may 48 segundo sa orasan laban kay Jia Wei Tay ng Singapore sa men’s welterweight.
Humirit si Ian Clark Bautista ng split decision panalo kay Mohamed Hamid sa men’s flyweight habang si Junel Cantancio ay nanalo sa 2-1 iskor laban kay Nguyen Van Hai ng Vietnam sa men’s lightweight.
Nakuha naman ni Josie Gabuco ang ikaapat na SEA Games gold nang talunin sa unanimous decision si Chuthamat Raksat ng Thailand sa women’s light flyweight.
Nakontento naman sa pilak sina Iris Magno (women’s flyweight), Nesthy Petecio (women’s bantamweight) at Rogen Ladon (men’s light flyweight) ay nakontento sa pilak.
May tansong medalya sina Wilfredo Lopez sa men’s middleweight at Riza Pasuit sa women’s featherweight para maihanay kasama ng triathlon lumabas bilang pinakaproduktibong national sports association dahil lahat ng ipinadala ay nag-uwi ng medalya.
Sina Nikko Huelgas at Claire Adorna ay nanalo ng ginto sa men’s at women’s divisions habang si Kim Mangrobang ay may pilak para sa triathlon.
Bumangon si Dennis Orcollo mula sa 1-4 panimula nang ipanalo ang walong sunod na racks tungo sa 9-4 tagumpay kay Maung Maung ng Mynamar para sa men’s 9-ball singles gold medal.
Pinangatawanan din ng softball teams ang pagiging pinakamahusay sa rehiyon nang ang Blu Boys ay humirit ng 6-4 panalo sa Indonesia at ang Blu Girls ay may 3-0 shutout panalo sa Thailand.
Isinalba ni Fil-Am Eric Cray ang masamang ipinakita ng mga pinaborang kasamahan nang kunin niya ang ginto sa 400m hurdles gamit ang bagong SEAG record na 49.40 segundo oras.
Sa siyam na ginto na nakuha, ang bansa ay umakyat pa sa ikalimang puwesto taglay ang 21 ginto, 23 pilak at 34 tansong medalya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.