NAGBUNGA agad ang unang paglahok sa Southeast Asian Games nina Claire Adorna at Marion Kim Mangrobang nang angkinin ang unang dalawang puwesto sa isinagawang 28th SEA Games women’s triathlon kahapon sa East Coast Park sa Singapore.
Ang 21-anyos dating manlalangoy ng University of the Philippines na si Adorna ang siyang kinilala bilang kauna-unahang gold medalist ng Pilipinas nang naorasan ng 2:13:08 at kinatampukan ito ng pangunguna niya sa swim at bike leg sa 1.5k swim, 40k bike at 10k run event.
Nasa isang minuto at 18 segundo ang layo ni Adorna kay Mangrobang na may 2:14:26 habang ang Thai triathlete Sanruthai Arunsiri ang kumuha ng tansong medalya sa 2:22:08.
Si Irene See Win Chong ng Malaysia ang pumang-apat (2:26:09) habang ang limang iba pang kasali, kasama ang dalawang lahok ng host Singapore ay hindi tumapos sa karera.
Inakap ni Adorna ang mga sumalubong sa kanya dahil sa labis na tuwa dahil nakuha niya ang ginto kahit may inindang punit sa kanyang peroneal tendon sa kanang ankle na naramdaman noon pang Incheon Asian Games.
“Kailangan na po na ipaopera pero gusto ko pong maglaro sa SEA Games,” wika ni Adorna.
Sina Nikko Huelgas at Jonard Saim ang sasalang sa men’s triathlon ngayon at patok din para sa 1-2 pagtatapos.
Apat na tansong medalya pa ang nakuha ng Pilipinas sa tatlong iba pang sports disciplines upang magkaroon na ang bansa ng isang ginto, apat na pilak at limang tansong medalya para malagay sa ikaanim na puwesto.
Ang IOC Olympic Solidarity scholar na si Hermie Macaranas ay naghatid ng dalawang tanso sa canoe single at doubles kasama si OJ Fuentes habang si Jayson Valdez ay pumangatlo sa men’s air rifle event.
Masaklap ang nangyari sa women’s 6-crew sa 200m race sa traditional boat race dahil hindi nila napangatawanan ang pagiging top seed nang nanguna sa qualifying para malagay lamang sa ikatlo kasunod ng Thailand at Myanmar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.