MALILIGAW ka kung makikinig sa politiko. Iyan ang bahagi ng pagninilay sa Ebanghelyo (Tb 3:1-11a, 16-17a; Ps25; Mk 12:18-27) noong Miyerkules. Sa pagninilay, pinag-iingat ang Katoliko at mananampalataya. Sa pagsasagawa ng pagninilay, hindi dapat pagkatiwalaan ang politiko, kabilang na si Grace Poe Llamanzares, dahil hindi sila tapat at nagsasabi ng totoo.
Natutuwa ang isang estudyante (hanggang ngayon) sa Malacanang dahil hindi muna hihimayin ang BBL, na bininyagang BLBAR, at malilibing na ito sa limot dahil buong bansa ay nagpiyesta kay Llamanzares (wala naman siyang dugong FPJ, bakit sinabi noon na dugong FPJ?). Nagiging palaban na si Llamanzares dahil hindi raw siya kuwalipikadong tumakbo pagkapangulo o mag-bise man lang. Sundan natin ang susunod na tapang pang-TV ni Llamanzares.
Inilabas lang naman ang kuwenta kay Llamanzares nang sundutin niya ang plunder ni Jejomar Binay sa Senado. Sa tabas ng dila ni Llamanzares, kahiya-hiya ang plunder ni Binay at kondenado na ito, para sa kanya, gayung hindi pa siya akusado sa Sandiganbayan. Hindi kinondena ni Llamanzares ang plunder ni Binay sa Ombudsman, na nauna kesa plunder sa Senado.
Ang trabaho ni Llamanzares, na pinasusuweldo ng taumbayan, ay umugit ng batas at hindi pangunahan ang batas. Pinangunahan na nga niya ang batas, sa kabila nang hindi naman siya abogado kundi pinagkatiwalaang mambabatas lamang dahil sa dugong FPJ daw, ay mandidikdik pa siya, na hindi naman ginawa ng siyam na senador na lumagda sa rekomendasyong plunder.
Diyan nagngalit ang damdamin ni Binay. Hindi nga kilala ni Llamanzares si Binay, lalo na ang pagkatao nito bilang politiko. Maupo na lang tayo dahil sa susunod na mga araw, mapapanood, at madidinig, natin ang salpukan ng bagets at forgets, ng bata’t matanda. At sa salpukang iyan, hindi patatalo si Binay, makulong man siya sa City Jail.
Marami rin namang kaaway sa politika si Binay, pero naglabasan ang mga ito at inukilkil ang pinagmulan ni Llamanzares. Napulot si Llamanzares sa simbahan at hanggang ngayon ay di pa natutunton ang kanyang ama’t ina. “Foundling” ang tawag sa napulot na walang ama’t ina at ang uri niya ay “stateless.” Nakaiiyak kung isasa-pelikula.
Ang isang kakampi ni FPJ ay nagsabing hindi dapat, at imposibleng, maging number one sa nanalong senador si Llamanzares. Imposible nga dahil sa mga lugar na di siya kilala ay number one pa siya; at kung kukuwentahin nang tapat ay si Loren Legarda ang number one. Dayaan, at nakagagalit!
Sariwa pa sa alaala ng mga Cebuano ang nangyari kay FPJ. Wala palang pera si FPJ para tustusan ang kanyang kandidatura sa Cebu. At wala rin siyang lider na bubuo sa makinarya at hanay ng kanyang mga kandidato simula gobernador hanggang konsehal. Dalawang linggo bago maganap ang eleksyon sa Cebu, naubusan ng pera si FPJ at ang masakit na aral: hindi sapat ang popularidad para manalo sa eleksyon.
Sapat na ba ang popularidad ni Llamanzares sa Senado? Sa nakalipas na tatlong taon, ito lang ang kanyang iniakda: “An Act Providing for an ‘Artists Welfare Protection and Information Act,’ And Providing Funds for the Purpose.” Sa kanyang mga ikinilos, isa lang ang malapit sa masa: ang pagpila at pagsakay sa MRT nang di pinapayungan. Sa pahirap na pagsakay sa MRT araw-araw, hindi naman niya binabanatan sina Aquino at Abaya. Malayo yan sa masa.
MULA sa bayan (0906-5709843): Ang akala namin ay ipagtatanggol kami ni Rep. Rufus sa Cagayan de Oro. Iyon pala, ibinenta na niya ang kinabukasan ng mga anak ko. Babangon ako sa aking hukay kapag dumating ang araw na ang Cagayan de Oro City ay nasa ilalim na ng mga Moro. …5674
Patuloy ang kahirapan sa amin sa Romblon, Romblon. Iba pala ang tinutulungan ng aming congressman at hindi sila mahihirap. …1534
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.