PNoy:reckless imprudence resulting to multiple homicide sa mga sangkot sa Valenzuela fire
INIHAYAG kahapon ni Pangulong Aquino na nakatakdang kasuhan ang mga sangkot sa sunog sa Valenzuela City ng reckless imprudence resulting to multiple homicide kung saan kabilang sa nahaharap sa kaso ay ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian.
“So lumabas maraming mga violations itong Fire Code. For instance, iyong ‘pag meron kang empleyadong 40 pataas, kailangan automatic may fire sprinkler system — so 72 po iyong patay dito maliwanag na lagpas 40,” sabi ni Aquino sa isang press conference sa Malacanang kaugnay ng imbestigasyon ng nangyaring sunog na kung saan 72 empleyado ang namatay.
Idinagdag ni Aquino na sa kabila naman ng patung-patong na paglabag ng Kentex, nabigyan naman ito ng fire safety inspection certificate ng lokal na pamahalaan.
“Maliwanag sa 2015, wala ‘yung automatic fire sprinkler, wala ‘yung protected fire escape, medyo malabo rin kung bakit naisyuhan ‘nung 2012 ng fire safety inspection certificate. Dagdag ko rin ‘yung fire safety inspection certificate taun-taon, kailangan meron niyanm,” dagdag ni Aquino.
Ayon pa kay Aquino, sa kabila ng patuloy na mga paglabag ng Kentex simula nang ito ay magbukas noong 1996, nabibigyan pa rin ito ng permit ng lokal na pamahalaan.
‘So, isuma po natin ‘yan 1996 nag-umpisa sa manufacturing, walang lumalabas na itong mga — iyong kailangan o requisitos ‘nung Fire Code at ito parang sa Ingles ‘yung tinatawag na this was a tragedy waiting to happen,” ayon pa kay Aquino.
Kasabay nito, sinabi ni Aquino na magsasagawa ng inspeksyon sa 300,000 establisyimento sa National Capital Region (NCR)) para matiyak ang pagsunod ng mga tanggapan sa Fire Safety Code.
“Pagkatapos na pagkatapos nitong Kentex, tinignan ‘yung mga kapaligid na factory at 23 ang ininspeksyon kaagad ng Bureau of Fire Protection at ang pumasa wala. 23 out of 23 may mga violations,” ayon pa kay Aquino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.