OFW sa UAE baon sa utang | Bandera

OFW sa UAE baon sa utang

Susan K - May 29, 2015 - 03:00 AM

DAHIL lubog sa utang, nagawang mangholdap ng isang Pinay OFW sa isang money exchange facility sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Pero bago makuha ang pera ay nahawakan siya ng isang empleyado at nahulog ang baril na kanyang hawak. Tuloy ay nadiskubre na isang laruang baril lamang pala ang hawak niya na ibinalot sa tela.

Nahuli siya sa CCTV kung kaya’t hindi na niya nagawang itanggi ang naturang krimen. Agad naman siyang umamin at sinabing wala na kasi siyang trabaho at baon pa sa utang. Aabot 140,000 dirhams ang utang niya.

Mabilis ang sentensiyang iginawad sa kanya ng korte. Pitong taong kulong ang bubunuin niya sa bilangguan ng Abu Dhabi bago siya ide-deport sa Pilipinas at hinding-hindi na maaaring makabalik pa doon.

Napakarami nating mga kababayan ang lubog sa utang sa UAE. Napakabilis kasing mag-apply doon ng mga credit cards. Ipagpipilitan pa ito sa kanila ng mga banko dahil alam nilang hindi sila basta matatakasan ng mga dayuhang may utang sa kanila.

Ang mga kababayan naman natin at takaw-tukso din. Kahit wala namang kakayahan, kuha nang kuha. Kapag natikman nang gumasta gamit ang plastic na pera (credit card), wala nang patumangga sa pagbili ng kahit ano, mapagbigyan lamang ang luho ng kanilang mga katawan.

Hindi isa o dalawa o tatlong mga credit cards lamang mayroon sila. Marami ang umaabot sa lima hanggang 10 ang credit cards!

Pero kapag hindi na regular ang pagbabayad, sasampahan na sila ng reklamo.

Kapag may kaso na ay ire-report ito ng bangko sa Immigration. Dahil sakaling subukin nilang takasan ang kanilang pagkakautang ay hindi sila makakalabas sa airport at tiyak na maho-hold talaga sila doon.

Ilang beses nang may sumubok gawin iyon pero hindi talaga sila nakaalis sa airport pa lamang.

Saan man nating anggulo tingnan ang problema, sariling kagagawan din ito ng ating mga kababayan.

Mabilis na nababago ang estilo ng pamumuhay ng ating OFW kapag nakatapak na sa ibang bayan. Lalo na kung wala itong konkretong direksyon at plano sa buhay.

Totoo namang kakayod sila nang husto, kukuha ng maraming trabaho, pero gagasta rin naman nang walang patumangga.

Ang matindi pa niyan, sasabayan pa ng mga kamag-anak na naiwan sa Pilipinas. Palibhasa’y dati namang gipit, kapag nakatanggap na ng ilang pirasong dolyar, para bang wala nang katapusang kasaganaan ang hatid nito sa kanila. Sila rin agad nababago dahil sa pag-aabroad ng mahal sa buhay.

Naghigpit nang husto ang United Arab Emirates upang hindi madaling makapasok sa pitong emirates nito. Hindi na ganoon kadali ang pag-aaply ng visit visa. Dati kukuha lamang ng kakilala sa UAE o minsan wala pa, kahit walang kakilala, susubok silang mag-turista doon. Pero ang katotohanan, maghahanap lamang sila ng trabaho.

Paisa-isang buwan lamang ang pananatili sa UAE. Kailangang mag-exit at bumili muli ng panibagong visa papasok ng UAE.

Ganoon ang buhay at sistema ng mga kababayan nating hindi dumaan sa tamang proseso ng pangingibang-bayan.

Hindi na ganoon kadaling makakuha ng trabaho sa UAE. Tama ang pahayag ng Pinay na nagawang mang-holdap na wala na umano siyang trabaho. Marami tayong mga kababayan na nagpapalaboy-laboy na lamang doon. Maaaring hindi sila makaalis dahil lubog sa utang at ang iba naman ayaw pa ring umuwi, kahit pa-extra extra na lamang.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM
(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0927.649.9870
Website: bantayocwfoundation.org
E-mail: [email protected]/ [email protected]
Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending