NAGYAYABANG na si Rodrigo Duterte na ang kanya umanong ipinapatay na 1,000 ay gagawin niyang 100,000 kapag siya’y pangulo na at itatapon ang mga bangkay sa Manila Bay para tumaba ang mga isda. Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, hindi tumataba ang mga isda sa “kakakain” ng bangkay ng tao. At urong-sulong pa si Duterte kung tatakbo siya pagkapangulo.
Gayunpaman, sinimulan na ang demolition job kay Duterte. Muling inungkat ni De Lima ang salvaging umano ng Davao Death Squad, na una niyang inukilkil nang siya’y tauhan pa ni Gloria Arroyo. May bali-balita na inutusan ni GMA si De Lima na durugin si Duterte sa pamamagitan ng salvaging sa Gold Cup firing range. Ngayon, hati ang pananaw ng core group ng Liberal hinggil kay Duterte, na ayon sa isang ubanin ay mapanganib kapag nanalo.
Muli na namang binuhay ang mapanirang ulat ni Philip Alston, ang noon ay UN Special Rapporteur on Extra-Legal Killings, kay Duterte. Pero, marami rin namang itinumba ang mga tauhan ni Alfredo Lim noon, at ang pinakasikat na itinumba ay si Don Pepe Oyson, ang binansagan ng mga pulis na number one drug lord. Nakapagtatakang kilala nina Lim at Ramon Montano si Don Pepe.
Hinahamon ng mga taga-Abra si Duterte na ipadala ang pinaka-asintadong mga miyembro ng kanyang DDS sa lalawigang ito sa Norte. Ayon sa mga taga-Abra, sa malamang, baka walang umuwi nang buhay sa DDS. Sa Cavite (upland) at Zambales, halos ganito rin ang pananaw nila sa DDS, pero hindi nila hinahamon si Duterte na ipadala ang mga ito sa kanilang mga lalawigan. Ang tahimik na tubig ay may lagaslas sa ilalim.
Pinagkakaabalahan ng napakaraming tao ang maging “number one” at maging kilala sa larangan ng pag-aartista at politika. Ibig nilang maging tanyag sapagkat ito ang magdadala ng kapangyarihan at kasaganaan sa kanilang buhay. Tama ba ang hangaring ito? Iyan ang pagsasadiwa ng Ebanghelyo (Sim 79:8, 9, 11, 13) sa ikawalong linggo sa Karaniwang Panahon.
Tama ba ang hangarin ni Grace Llamanzares? Iba na ang kanyang sinasabi’t pahaging nitong mga huling araw at tila nag-iisip na siya at wari’y ayaw niyang mapinturahan ng dilaw. Napakarumi na ng kulay dilaw ngayon, di tulad noong kamamatay ni CoCoA (Corazon Cojuangco Aquino) at inakalang magiging mabuting lider ang anak na wala namang ginawa sa Kamara at Senado.
Sana’y nakita na ni Llamanzares ang mga langgam at linta sa Liberal Party. Gagamitin lang siya ng mga pesteng ito para manatili sa poder at mangamkam pa ng asukal at dugo ng taumbayan. Ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng LP na ang mga lider nito ay napatunayan ng Korte Suprema na lumabag, at nilabag, ang Saligang Batas.
Noong 2004, naglabas ang Bandera ng coffee-table book na “The Filipino Flag.” Isa sa mga photographers ang nagsabi na dapat makulong si Rep. Manny Pacquiao dahil nilabag niya ang tamang pagsabit ng bandera sa parking area sa Wild Card gym nang i-display niya sa minamanehong kotse ang bandera ng Pilipinas na nagdedeklara ng gera o rebolusyon. Ang pula ay nasa kaliwa, imbes na asul.
Sa Plenaryo sa Batasan, ang asul ng mahabang nakaladlad na bandera ay nasa kaliwa. Maliwanag na hindi ito pinapansin ni Pacquiao, o baka naman color-blind na siya ngayong nasa tugatog na siya. Kung nais ng mga kalaban na sampahan ng kasong kriminal si Pacquiao, na kongresista pa man din, dahil sa paglabag sa batas ng tamang pag-display ng bandera ay puwedeng-puwede. Huwag pamarisan si Pacquiao sa paglapastangan sa pambansang simbolo.
MULA sa bayan (0906-5709843): Taga-Tacurong City po ako. Ask ko lang po kay Councilor Ledda: bakit palagi kayong out of town o absent? Ang table ninyo, may alikabok na. Nakakahiya sa mga city hall employees. …1066.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.