Batang bida sa Baker King malaking hamon kay Mark Neumann
Matinding hamon ang nag-aabang ngayon kay Mark Neumann bilang bidang si Tak-Gu sa unang Pilipinong bersiyon ng Korean novelang Baker King ng TV5.
Ibang klase ang husay sa pagganap ni Nourish Icon Lapuz sa mga unang sultada ng palabas, hawak sa leeg ng magaling na batang aktor ang manonood, nakikiluha sa kanya ang mga tumututok sa Baker King bilang batang si Tak-Gu.
Kapag umaarte na si Nourish ay parang hindi ka nanonood ng isang serye sa telebisyon, parang isang bata sa tunay na buhay ang kaharap mo, nakikipagkabugan sa pag-arte si Nourish kina Ms. Boots Anson Roa, Diana Zubiri, Jackielou Blanco, Raymond Bagatsing at Yul Servo.
Napakanatural niyang umarte, napakasinsero niyang umiyak, pero sa bandang huli siyempre ay siya ang mananalo sa mga pang-aaping ginagawa sa kanya.
Kumakagat sa puso ang mga dialogue sa Baker King, nasilip namin sa opening credits kung bakit, si Direk Jun Lana pala ang tagapamahala sa script ng palabas.
Maraming salamat sa direksiyon ni Direk Mac Alejandre na sumasapul sa pagganap ng kanyang mga artista, walang nasasayang na eksena gabi-gabi sa Baker King, lahat ng mga karakter ay nabibigyan ng kani-kanyang moment.
‘Yun ang kailangang paghandaan ni Mark Neumann, sa pagpasok ng kanyang mga eksena sa Baker King ay kailangan niyang mapantayan kundi man mahigitan ang galing sa pag-arte ng batang Tak-Gu na si Nourish Icon Lapuz, aabangan naming ‘yun.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.