Young actress pa-sweet sa harap ng camera, pero sukdulan nang maldita pala
SIMPLE lang pero tagung-tago pala ang kamalditahan ng isang aktres. Hindi na siya bata at hindi pa rin naman masasabing matanda at aminin natin ang totoo na may kagandahan ang aktres na ito.
May kahinhinan ang aktres, magalang din siyang magsalita, pero kung ang mga stylist ng mga artista ng istasyong kinabibilangan niya ang tatanungin ay meron silang masasabi tungkol sa aktres.
“Simple lang siya, parang hindi makabasag-pinggan, parang hindi siya marunong magmaldita, pero kung alam n’yo lang! Supladita ang batang ‘yun! Hindi lang halatado dahil parang napakayumi niya,” unang kuwento ng aming source.
Isang malaking party ang ginanap sa network kung saan nakakontrata ang aktres, binigyan sila ng kani-kanyang designer ng istasyon, isa sa mga binihisan para sa party ang may kamalditahang aktres.
Kuwento uli ng aming impormante, “Walang problema sa ibang artista, type na type nila ang mga isusuot nilang gown. Pero para kay ____ (pangalan ng magandang aktres na hindi na teenstar pero hindi pa rin naman katandaan), e, ang dami-dami niyang reklamo.
“Marami siyang hindi gusto sa ginawang gown para sa kanya. Ipinakita naman sa kanya ang design nu’ng sinukatan siya, pero bakit hindi niya kinontra ang ipinakita sa kanya kung talagang ayaw niya?
“Nakasimangot siya, dabog nang dabog, ipinaramdam niya talaga sa designer at sa stylist niya na ayaw na ayaw niya sa gown na ginawa para sa kanya. Pero ang nakakaloka, e, nu’ng interbyuhin siya ng showbiz reporter ng kanilang network.
Buong-ningning pa siyang nakangiti, parang hindi siya nagtataray bago ang interbyu, parang ang ganda-ganda ng mood niya na palatandaan ng kanyang pagiging plastikada.
“Maldita ang babaeng ‘yun! Mabuti at natatagalan ng boyfriend niya ang ugali niya! Katunog ng pangalan ng isdang maliliit ang name niya!” pagtatapos ng aming impormante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.