Susan Roces ipinagdarasal ang posibleng pagtakbo ni Grace Poe sa ‘Eleksiyon 2016’
IPINAGDARASAL ng award-winning veteran actress na si Ms. Susan Roces ang kanyang anak na si Grace Poe na isa sa mga sinasabing may potential na presidential candidate sa 2016.
Natanong ang Queen of Philippine Movies tungkol dito pagkatapos ng presscon ng bago niyang proyekto sa ABS-CBN, ang TV remake ng classic movie ng kanyang yumaong asawang si Da King Fernando Poe, Jr. na Ang Probinsiyano na pagbibidahan ng anak-anakan niyang si Coco Martin.
“I’m not in the position to comment on that. But as her mom, I constantly pray for guidance para sa kanya.“Whatever the future holds for her, my main concern as a mother is her happiness and her safety, and her health,” ang maikling pahayag ni Ms. Susan.
Dugtong pa ng veteran actress, “Bilang ina, nakakataba ng puso na ganu’n ang reaksiyon nila. Ngunit sa isang banda, mahirap na trabaho ‘yan. Hindi mo basta-basta pinaplano ‘yan.”
Kung matatandaan, tumakbo ang yumaong ama ni Grace na si FPJ sa pagkapresidente noong 2014 elections kung saan nakalaban niya si Gloria Macapagal-Arroyo.
Kamakailan ay inamin mismo ni Pangulong Noynoy Aquino na nakausap na niya si Sen. Grace tungkol sa politika, at naniniwala ito na may kakayahan ang senadora na maipagpapatuloy ang nasimulang mga pagbabago ni P-Noy sa pamahalaan.
Sa darating na Hunyo pa ia-announce ng pangulo kung sino ang magiging standard bearer ng kanilang partidong Liberal Party.
Komento ni Ms. Susan tungkol dito, “Sa pinagdaanan ni Presidente Noynoy, talagang sineryoso niya ang pagtatrabaho niya bilang Pangulo.
At sa ayaw man at sa hindi, aminin natin na malaki ang pagbabago, lalo na sa ating image sa international crowd.
“Unti-unting nabi-build na naman yung tiwala sa ating bansa, na honest tayo.
Hindi puwedeng asahan sa iisang Pangulo na lahat ay magagawa sa isang termino sapagkat lahat ng problemang ito ay naipon sa loob ng maraming Presidente.
“Ang aking panalangin ay magkaroon tayo ng tiwala, bilang mamamayan, sa mga namumuno sa atin,” aniya pa sa nasabing panayam. Siya ba ay naniniwala rin na kaya ng anak nila ni FPJ na ipagpapatuloy ang nasimulan ni P-Noy sakali ngang tumakbo ito sa pagkapangulo sa 2016? “Lahat naman tayo, yun ang gusto natin mangyari.
Kaya dapat ipanalangin natin na kung sino man (ang uupo sa Palasyo), ang makakapagpatuloy niyan.” Samantala, tuwa-tuwa si Susan Roces dahil magkakatrabaho muli sila ni Coco Martin sa seryeng Ang Probinsiyano na isang super hit movie noon ni FPJ.
Nagkasama na sa mga teleserye sina Susan at Coco at ito nga ang magsisilbing reunion project nila. Ayon pa sa beteranang aktres, marami pang pelikula si FPJ na sa tingin niya ay bagay na bagay kay Coco.
Siguradong maligayang-maligaya ngayon si FPJ kahit saan man siya naroon dahil hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang kanyang alaala sa isip at puso ng mga Pinoy.
Makakasama rin sa Ang Probinsiyano bilang leading ladies ni Coco sina Angeline Quinto at Bela Padilla. Malapit na itong magsimula sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.