DOLE ‘nilinis’ may-ari ng nasunog na pabrika | Bandera

DOLE ‘nilinis’ may-ari ng nasunog na pabrika

Bella Cariaso - May 17, 2015 - 03:00 AM

SA trahedyang nangyari sa pabrika ng tsinelas kung saan umabot na sa 72 ang namatay sa napakalaking sunog sa Ugong, Valenzuela City, lumabas din ang nakakaawang kondisyon ng mga ordinaryong mga manggagawang Pilipino sa bansa.

Batay na rin sa mga testimonya ng mga dating empleyado at mga manggagawa ng pabrika, lumalabas na bukod sa hindi tama ang pagpapasweldo ng mga may-ari ng pabrika, kung saan umaabot lamang ng P202 ang ibinibigay na arawang sweldo para sa mga empleyado, wala ring mga benepisyo para sa mga trabahador.

Bagamat kinakaltasan sila ng mga kontribusyon sa Pag-ibig, SSS at Philhealth, hindi rin ito nire-remit ng mga may-ari sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno.

Hindi isolated na kaso ang sitwasyon ng mga manggagawa sa pabrikang nasunog.

Pinatunayan lamang na ito na marami pa ring mga negosyante sa bansa ang patuloy na lumalabag sa mga labor laws.

Ang gobyerno naman natin, kundi pa mangyayari ang ganitong nakakalungkot na trahedya, hindi rin kikilos para matiyak na sumusunod ang mga may-ari ng kampanya sa mga umiiral na batas sa paggawa.

Pagkatapos ng trahedya, sinabi ng Palasyo na ipinag-utos ni Pangulong Aquino na paigtingin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kampanya nito na matiyak ang kaligtasan ng mga empleyado sa oras ng pagtatrabaho.

Ayon kay Secretary Sonny Coloma, nagdagdag na ng mga tauhan na magsasagawa ng inspeksyon sa mga kumpanya para matiyak na maayos ang kondisyon ng mga manggagawa.

Heto na naman ang gobyerno, dahil may trahedyang nangyari, nagkukumahog ngayon na matiyak na hindi na maulit ang pangyayari.

Ang nakakatawa lang sa DOLE, bago pa magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga may-ari ng pabrika, sinabi ni Secretary Rosalinda Baldoz na wala pa namang nakikitang paglabag ang kumpanya.

Secretary Baldoz, sa nangyaring pagkakasunog ng pabrika at sa pagkamatay ng napakaraming manggagawa, kahit ang mga ordinaryong tao na nagmamasid ay masasabing may pananagutan ang mga may-ari ng kumpanya.

Higit sa kanino man, ang mga sumisigaw ng hustisya ay ang pamilya ng mga namatayan sa nangyaring sunog.

Noong Biyernes, inilibing na ang mga nakuhang mga biktima, bagamat hindi pa nakikilala ang mga nakuhang bangkay.

Bukod sa nararapat na tulong pinansiyal para sa mga namatayan, dapat ding tiyakin na may mapanagot sa nangyaring trahedya.

Hindi na bale ang pagpapapogi at pagsakay ng ilang opisyal sa isyu, ang mahalaga na lamang ay may mangyari sa kaliwa’t-kanang imbestigasyon kaugnay ng isyu at mapanagot ang dapat managot.

Gaano na ba karami ang isinagawang imbestigasyon kapag may nangyayaring trahedya at kadalasan, kung hindi umaabot ng napakatagal ng imbestigasyon, nababaon na lamang sa limot ang mga nangyaring kontrobersiya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Umaasa na lamang ang taumbayan na maibigay ang hustisya para sa mga nasawing mga empleyado ng nasunog na pabrika ng tsinelas.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending